
Isa na namang makabuluhang kwentuhan ang hatid ng It's Showtime nitong Lunes (June 23) sa segment na "Step in the Name of Love."
Tampok dito ang isa sa mga karaniwang isyu sa mga relasyon, ang pagsasarili ng personal na problema.
Naging sentro ng usapan ang searcher na si Ver, na inamin na may mga pagkakataong siya ay umiwas o nagiging moody sa kanyang mga kaibigan tuwing may mabigat siyang pinagdaraanan.
"Minsan kasi may naisip akong isang problema dumating sa akin. Gusto ko i-solve mag-isa," pagbabahagi ni Ver. "[Naniniwala kasi ako], kahit ano'ng problema dumating sa akin, kaya ko'ng i-solve sa pamamagitan ng sarili ko lang. Kaya minsan ayaw kong makakarinig ng payo ng iba kasi kahit ano'ng payo nila sa akin, sarili ko pa rin susundin ko."
Bagamat aminado siyang mabigat ang dalahin, pinipili pa rin niyang sarilinin ito. Nang marinig ng lahat ito, naalala ni Amy Perez ang isang analogy na nabasa niya.
"Ang mga lalaki daw 'pag may problema, nagtatago sa kweba. Ang mga babae parang artista, may presscon. Nagtatawag pa ng mga kaibigan 'yan para ilabas ang sama ng loob," sabi ng It's Showtime host.
Nagbahagi rin ng kanilang pananaw sina Vhong Navarro at Jhong Hilario. Para kay Vhong, mas naniniwala siya sa kabaliktaran nito.
"Ako 'yung tipong kailangan kong may masabihan kasi parang feeling ko ang bigat-bigat sa loob. Parang baka 'di ko kayanin. Kaya naghahanap ako ng close friends ko at doon sineshare," kwento ni Vhong.
Si Jhong naman, tulad ni Ver ay mas pinipiling sarilinin ang problema. Ngunit sa ilang pagkakataon, bukas rin siyang makinig sa mga payo upang may mas matutunan.
"Siguro dahil sa ugali na kaya ko i-solve 'yan kahit 'di ko na sabihin. Kasi minsan mahirap din magsalita ng mga problema especially internal," inamin ni Jhong.
"Napakalaking tulong ang It's Showtime minsan kapag may problema ako kasi nakakalimutan ko minsan. Gumagaan ang loob ko at saka ako nakakaisip ng paraan para i-solve. Kailangan hindi magulo ang utak mo palagi kapag nagdesisyon ka."
Mula naman sa pananaw ng mga kababaihan, ibinahagi ni Jackie Gonzaga ang kahalagahan ng timing at respeto sa emosyon ng partner.
"Merong time na kasi na darating sa point na isasarili niya lang. Pero magkakaroon din ng timing kung kailan niya sa'yo ise-share. So feeling ko dapat hinihintay. Mahirap din kasi 'yung pinipilit parang mas magkakaroon kayo ng hindi pagkakaintindihan 'pag pinipilit mo siyang sabihin 'yung mga hindi niya kayang sabihin," ani Jackie.
Sa dulo ng segment, na-highlight ng mga host at audience na ang pagsarili ng problema ay minsan ginagawa hindi dahil sa kawalan ng tiwala, kundi bilang paraan ng proteksyon para sa mahal sa buhay. Ngunit, mahalaga pa rin ang bukas na komunikasyon sa isang relasyon upang maunawaan ng mabuti ang isa't isa.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.