
Isang araw na puno ng tawanan at bardagulan ang muling inihatid ng fun noontime program na It's Showtime!
Umpisa pa lang ng Marso, todo-kulitan na ang hosts, hindi lang sa studio kundi pati na rin sa labas!
Sa segment na "Ansabe," dalawang teams ang natalo at kailangang lumusot sa ilalim ng grupong pinamumunuan ni Ogie Alcasid.
Pero tila nagsasawa na ang losing teams sa paulit-ulit na parusa, kaya naman nagdesisyon silang tumakas!
Habang inaasahan ng lahat na isasagawa na ang punishment, bigla na lang nawala ang dalawang grupo.
"Teka lang. Nasaan na 'yung mga kalaban namin?" tanong ni Teddy Corpuz nang mapansin nawala sila sa stage.
"Nasaan na 'yung mga talunan na iyan?" dagdag ni Amy Perez.
Maya-maya pa ay nahuli ng kamera na nagtatago sila backstage. Dali-dali silang lahat tumakbo palabas at sumakay sa isang van.
"Ako na ang bahala kumausap kung kanino may ari," ani Vice Ganda habang sumasampa ang team sa sasakyan.
Sinubukan pa silang harangin nina Karylle at Teddy, pero sa huli, matagumpay silang nakalayo.
"T'yang, bakit ganoon, umalis sila?" tanong ni Jackie Gonzaga.
"Ngayon lang kayo nanalo, tinakasan pa kayo," hirit ni Amy. "Baka nagpunta sa GMA? Tsinek n'yo?"
Sa gitna ng kulitan, bumalik rin ang dalawang teams dahil sa isang nakakatawang dahilan.
"Gusto lang namin magpasalamat po kay Belle Mariano. Maraming salamat Belle," biglang sabi ni Darren Espanto.
"Paumanhin po sa pamilya ni Belle Mariano. Nasa labas na kami ng EDSA nang nalaman kay Belle Mariano pala ['yung van]," dagdag ng Unkabogable Star.
Sa akalang tapos na ang lahat, biglang naglakad naman ang grupo papunta sa kabilang studio.
"Nami-miss ko na 'yung friends ko. Baka nasa kabilang studio," biro ni Vice.
"Punta tayo sa kabilang studio!" dagdag ni Darren.
"Hoy! Magsibalik kayo dito!" sigaw ni T'yang Amy. "Itong mga batang ito, ang lilikot!"
Pagkatapos makikain at makisayaw sa kabilang stage, bumalik na rin ang mga tumakas na grupo sa It's Showtime.
Sa huli, tinanggap ni Vice ang punishment at lumusot sa ilalim ng winning team. Pero paglingon niya, wala na ang iba pa niyang kasama.
Iyon pala, dumiretso na sila sa dressing room at nagsimula nang kumain!
"Huh! Natraydor tayo ng samahan. Sinasabi ko na nga ba. Matagal ko nang nararamdamang may AHAS sa samahan na ito," sinabi ni Vice na maala kontrabida.
"Ang kakapal ng mga mukha n'yo!" ani Vice na parang kontrabida.
Pagpasok niya sa dressing room, tumatawa lang ang hosts habang inaasar siya. Pero biglang nagkagulo nang ibuhos ni Vice ang tubig mula sa nadampot niyang tumbler sa kanila!
"Ah, talaga?" asar ni Vice.
Sa huli, ginawa pa rin ng lahat ang kanilang punishment, habang nanalo naman ng Php 5,000 ang winning team para sa madlang audience
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.