
Sampung taon na ang relasyon ng celebrity couple na sina Jake Vargas at Inah de Belen.
Para sa aktor, sa tinagal ng kanilang relasyon, hindi pa rin umano mawawala ang pagmamahal nila sa isa't isa.
"Masasabi ko is hindi po talaga nawawala 'yung love kahit sobrang tagal na po naming magkasama and hindi po nawawala 'yung respeto ko sa family niya and sa bawat isa sa amin, sa isa't isa,” sabi ni Jake sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, June 2, kasama si Manilyn Reynes.
Inilarawan din ni Jake si Inah bilang kaniyang pahinga, at kung wala ang aktres sa buhay niya ay kulang at hindi kumpleto ang kaniyang buhay.
Tungkol naman sa kanilang pagsasama sa iisang bahay, ayon sa aktor, natural na lang iyon na nangyari. Nilinaw ni Jake na may permiso sila mula sa nanay ni Inah na si Janice de Belen.
“Inabisuhan naman din siya ni mama niya na, 'O, kaya n'yo na ba? Kaya n'yo na ba mag-live in?' Sabi namin, 'Opo, kaya naman po namin.' And du'n naman po nasabi na 'Okay, sige, kaya natin 'to. Du'n po namin nalalaman 'yung ugali ng isa't isa,” sabi ni Jake.
TINGNAN ANG ILAN SA SWEETEST PHOTOS NINA JAKE AT INAH SA GALLERY NA ITO:
Ibinahagi rin ng aktor na napag-uusapan na rin nila ang kasal, na madalas ay si Inah ang nagtatanong. Ang sagot lagi ni Jake, “Mangyayari.”
“Paghandaan kasi hindi po dapat minamadali 'yun, Tito Boy. So, 'pag talagang ready na kami, yun na po talaga,” sabi ni Jake.
Para naman kay Manilyn, wala masama kung manirahan na sa iisang bahay sina Jake at Inah. Ngunit ang paalala niya sa kaniyang Pepito Manaloto: Tuloy ang Kwento co-star, siguraduhin muna nito na kaya na talaga niya.
“Importante ang lalaki, kaya mo na ba talagang bumuhay ng isa pang nilalang? Kasi, magsasama kayo, e. At kilala mo na ba talaga ang sarili mo at masasabi mong 'Kaya ko that I am with somebody else, that I will be with someone na titira dito sa bahay,'” sabi ni Manilyn.