
Matapos ang tagumpay ng mystery thriller drama na The Last Empress, muling ipapamalas ng South Korean actress na si Jang Na-ra ang kanyang husay sa pag-arte sa seryeng VIP.
Gaganap siya dito bilang Janine, isang babaeng galing sa isang mayamang pamilya at graduate pa ng isang prestihiyosong unibersidad.
Nagtatrabaho siya sa VIP management team ng Sung Un Department Store, isang high-end department store na para sa mga mayayaman at makapangyarihang kliyente.
Asawa niya ang team leader ng VIP management team na si Simon, na gagampanan naman ng aktor na si Lee Sang-yoon.
Bagamat galing sa hirap, naging matiyaga ito at umakyat ang rango sa trabaho.
Bukod dito, isa rin siyang mapagmahal na asawa kay Janine.
"Couple goals" nga kung ituring ang dalawa dahil sa masaya nilang pagsasama at matatagumpay nilang career.
Pero mababasag ang ilusyong ito nang makatanggap si Janine ng isang anonymous text message na nagsasabing may kalaguyo ang kanyang asawa.
At ang mas masahol, isa sa mga katrabaho nila sa VIP management team ang karelasyon ng kanyang asawa.
Paghihinalaan ni Janine ang tatlong babae sa kanilang team.
Kababalik pa lang ni Eula, na gagampanan ni Lee Chung-ah, sa trabaho matapos ang isang taong pahinga matapos ang iskandalong kinasangkutan niya at ng isang boss sa kumpanya.
Naghahabol naman ng promotion si Mina, na gagampanan ni Kwak Sun-young, na anim na taon nang nagtatrabaho sa VIP management team pero laging naba-bypass dahil sa madalas na maternity leave.
Tampulan naman ng office gossip si Yuri, na gagampanan ni Pyo Ye-jin, na agad natanggap sa team bagamat isang baguhan kaya pinaghihinalaang kabit ng vice president ng kumpanya.
Sa paghahanap ni Janine ng katotohanan, mas marami pa siyang sikretong mauungkat.
Dahil sa kanyang pagganap sa serye, nakatanggap si Jang Na-ra Producer Award habang nominado naman siya para sa Top Excellence Award in a Miniseries (Actress) sa 2019 SBS Drama Awards.
Abangan ang kanyang mahusay na pagganap sa office mystery drama na VIP, malapit na sa GMA!