
Sa blog conference nitong February 26 natanong ang Kapuso actors na sina Jason Abalos, Edgar Allan Guzman at Paul Salas tungkol sa mga programang may kakaibang konsepto na ginagawa ng GMA Network.
Ang Asawa Ko, Karibal Ko at Kara Mia ay ang mga programang kinabilangan ng tatlo at ito umano ay ang mga istoryang dapat bigyang pansin ng mga manonood.
Si Jason ay gumanap na Nathan na naging transgender woman na si Venus sa Asawa Ko, Karibal Ko. Si Edgar naman ay parte ng Dragon Lady na patungkol sa babaeng may wangis dragon. Samantala si Paul ay parte ng Kara Mia na umiikot sa istorya ng babaeng may dalawang mukha.
Sa paglipat ng tatlo sa GMA Network ay napabilang sila sa mga programang may mga kakaibang konsepto kaya naman napuno ang tatlo ng pasasalamat na kabilang sila rito.
Ani Edgar. "As an actor, kaya nga tayo pumupunta kung saan may trabaho at kung saan masho-showcase natin ang craft natin. Para sa akin, masaya ako kasi mas na-challenge ako bilang aktor eh.
"Nagagawa ko 'yung hindi ko pa nagagawa sa buong showbiz career ko. Masaya ako dahil sakto 'yung timing ng paglipat ko. Paglipat ko, challenging roles agad 'yung ibinibigay sa akin or hindi typical na teleserye o soap opera na ganito 'yung story.
"Kumbaga may parang konting spice doon sa soap para sa isang aktor din. Kumbaga mas nakakagana ring magtrabaho."
Si Paul naman ay na-excite nang malaman niyang kabilang siya sa Kara Mia.
Bukod dito ay ipinahayag niya ang kanyang paghanga sa mga konseptong binubuo ng Kapuso Network. Saad ng aktor, "'Yung GMA naman po talaga is talagang the best po talaga sila sa paggawa ng fantaserye.
"Kumbaga professional na sila diyan so karangalan po sa akin na mapasali sa ganung mga plan nila katulad ng Kara Mia."
Sa kanyang role naman na Nathan sa Asawa Ko, Karibal ko inamin ni Jason na na-challenge siya sa pag-arte. Bukod dito ay inamin niyang masaya siya sa roles na kanyang mga ginagampanan simula nang pumirma siya bilang Kapuso.
Kuwento ng Kapuso actor, "Parang lumalawak yung range namin bilang artista para makagawa ng iba't ibang klaseng roles para sa ibat ibang proyekto. Para sa akin ito 'yung puwedeng magpatagal kumbaga makikita namin kung hanggang saan 'yung kakayahan namin."