
Grateful ang newbie actor na si Jay Ortega sa reaksyon ng mga manonood sa kaniyang pagganap bilang si Akio Watanabe sa hit family drama ng GMA na Pulang Araw.
Ang karakter niya bilang si Akio ay isa sa mga kontrabida ng serye na nagpapahirap sa mga karakter ng mga bidang sina Barbie Forteza, Sanya Lopez, David Licauco, at Alden Richards.
Sa panayam ng GMANetwork.com kay Jay, sinabi niya na masaya siya sa mga natatanggap na komento mula sa fans ng serye tungkol sa kaniyang pag-arte.
Aniya, “Overwhelming din 'yung mga natatanggap kong mensahe sa social media. Grateful ako na effective 'yung character ko na nabigyan ko ng justice. Siyempre nakaka-motivate din para galingan ko pa sa mga susunod kong scenes.”
Kuwento pa ni Jay, ito ang first acting job niya kaya nakaramdam siya ng sobrang kaba nang sumalang na siya sa mga eksena kasama ang mga batikang aktor sa serye kabilang na si Dennis Trillo na gumaganap bilang magbagsik na kalaban na si Col. Yuta Saitoh.
“Sobrang nakakakaba noong ka-eksena ko sila at first time ko sa taping pero eventually no'ng nakasama ko na sila nang madalas siyempre we get along na rin. Magaan sila kasama, mabait sila sa akin so grateful ako doon. Tinutulungan nila ako sa mga scene ko rin so thank you sa kanila,” ani Jay.
Samantala, paglalahad pa ng up-and-coming actor, gusto niya ring makatrabaho ang iba pang Kapuso stars gaya nina Ruru Madrid, Bianca Umali, at Faith Da Silva.
Pagkatapos ng Pulang Araw, may gusto rin daw subukan si Jay. Aniya, “Gusto ko rin ma-try 'yung Rom-Com sana mabigyan chance.”
RELATED GALLERY: Meet newbie actor Jay Ortega a.k.a. Akio Watanabe in 'Pulang Araw'