
Kahit pa 11 years nang single na by choice ang beteranang aktres na si Jean Garcia, masaya at kuntento naman ito sa kaniyang buhay.
Sa pagbisita ni Jean sa Fast Talk with Boy Abunda noong Miyerkules, April 30, sinabi ng aktres na para sa kaniya, wala ng masama sa pagiging single. Sa katunayan, puro magagandang bagay raw ang naidulot nito sa kaniya.
“Parang iniisip ko na lang sa sarili ko na mag-aalaga na lang ako ng mga apo ko, ng mga anak ko. Kung hindi ko rin lang mahahanap 'yung talagang para sa akin, or baka napalampas ko na kasi, Kuya Boy. Kaya ginawa na lang ng Panginoon na makuntento ka na lang na mag-isa,” sabi ng batikang aktres.
Hindi na rin umano nag-aantay o naghahanap ng bagong love life si Jean at sinabing sapat na ang kanyang pamilya at fans. Isa pa umanong “magic” niya kaya masaya siya sa buhay, hindi siya nagpapa-stress sa mga bagay-bagay.
“Because I don't take life too seriously. 'Yung sa akin kasi, bakit mo i-i-stress-in ang sarili mo? Kapag may problema, solusyunan mo unti-unti. Matatapos din 'yan, 'This too, shall pass.' sabi nga nila. Palagi lang happy, kuntento. Contentment siguro,” sabi ni Jean.
Dagdag naman ni King of Talk Boy Abunda sa sinabi ng aktres, “'Pag ang problema walang solusyon, it's not a problem.”
BALIKAN ANG NAGING BUHAY NI JEAN GARCIA THROUGH THE YEARS SA GALLERY NA ITO:
Dahil matagal nang single at hindi naman naghahanap ng makakapareha sa buhay, tinanong ni Boy kung ano ang alam ni Jean tungkol sa mga kalalakihan.
Natatawang sagot ng aktres, “Mali ka yata ng tinanong, Kuya Boy, baka mawalan ako ng male viewers.”
Ngunit ayong kay Jean, mabait at maayos naman ang mga lalaki, at sinabing kung seryoso sila ay hindi magloloko ang mga ito.
“Maaaring hindi ikaw ang problema, lalaki ang problema. By choice, e. So choice nila 'yun. Magloko sila, magseryoso sila, choice nila 'yun, hindi 'yun kasalanan ng babae. [Boy: At choice mo rin kung papaano ka magre-react.] Yes,” sabi ni Jean.