
Simula February 14, mapapanood na ang award-winning 2014 rom-com film na English Only, Please sa Netflix.
Pinagbidahan ito nina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay na unang nagsama sa pelikula.
Sa English Only, Please, ginampanan ni Jen ang papel bilang Tere Madlansacay, ang Filipino tutor na hinire ng Fil-Am na si Julian Parker, ginampanan ni Derek, para i-translate ang liham na isinulat nito para sa babaeng niloko ang lalaki.
Official entry sa 40th Metro Manila Film Festival ang rom-com film na nagwagi ng major awards sa prestihiyosong film fest noong 2014.
Nauwi nina Jen at Derek ang titulong Best Actress at Best Actor para sa kanilang mahusay na performance sa English Only, Please.
Ginawad din sa pelikula ang second Best Picture, Best Director (Dan Villegas), Best Story (Antoinette Jadaone and Dan Villegas), Best Screenplay (Antoinette Jadaone and Anj Pessumal), at Best Editor (Marya Ignacio).
Samantala, kasalukuyang napapanood si Jennylyn sa GMA Prime series na Love. Die. Repeat. Naka-indefinite break from showbiz naman si Derek para mag-focus sa kanyang personal na buhay.