
Ayon kina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo, feeling nila first-time parents sila sa anak nilang si Dylan. May sariling panganay na ang dalawa bago pa man ipanganak si Dylan.
Sa interview ni Jennylyn sa Updated with Nelson Canlas podcast, ikinuwento niya kung papaanong ngayon lang nila nae-enjoy ni Dennis ang magkaroon ng baby.
“Kasi 'yung first ni Dennis, hindi rin niya masyado nakasama. 'Yung first ko naman, si Jazz, ganun din, bumalik ako agad sa work tapos lagi ko lang iniiwan kay mommy Lydia hanggang sa lumaki so parang hindi ko ganun natutukan si Jazz nung baby,” kuwento ng aktres na bibida sa upcoming series na Love. Die. Repeat.
Ibinahagi rin ni Jennylyn kung gaano na kalaki ang pinagbago ng pag-aalaga ng baby noon kumpara sa ngayon. Isa sa mga napansin niyang bago ay ang gadgets at baby accessories na wala naman noon.
“Noon parang, 'Huh? Hindi naman kailangan 'yan noon a?' Tapos ngayon, may kung ano-ano na,” sabi nito.
Nang tanungin ang Ultimate Star kung paano niya pinaghandaan ang pagpapanganak niya kay Dylan, sinabi ng aktres na nag-review ito.
“Nung buntis ako, nagre-review na'ko, ano ba'ng mga bago, ano ba'ng mga kailangan ko pang gawin para this time, 'yung pregnancy ko, hindi na siya stressful,” paliwanag niya.
“Kasi noon ibang-iba din talaga. Ngayon, may may time ako na pag-aralan,” dagdag pa nito.
Ibinahagi rin ni Jennylyn na sa unang limang buwan ni Dylan ay sila lang ni Dennis ang nag-aalaga sa kanilang baby, at hindi kumuha ng yaya. Pero nilinaw ng aktres na ito ang kahilingan niya.
“Pero hindi ko 'yun magagawa kung wala si Dennis so talagang sa gabi, papatulugin niya 'ko, 'yung ganun, 'yung kailangan ko maka-recover sa gabi para sa umaga ako naman, siya naman 'yung matutulog,” kuwento nito.
Dagdag pa ng aktres, totoo ang kasabihan na nakakawala ng pagod at hindi nakakasawa ang mag-alaga ng baby kahit puyat at pagod na sila.
“Ang hirap din kasi ngayon, one year old siya, kalahati ng taon nagfull-time breastfeeding talaga ako so medyo ano siya sa oras. As much as gusto mo magpahinga, hindi ka talaga makakapagpahinga,” sabi nito, ngunit idinagdag din niyang nag-enjoy talaga sila ni Dennis.
Pakinggan ang buong interview ni Jennylyn sa Updated with Nelson Canlas dito: