
Puno ng tamis at power couple energy ang tambalan ng mag-asawang sina Kapuso Ultimate Star Jennylyn Mercado at Kapuso Drama King Dennis Trillo sa maikling pelikulang pinamagatang JEN.
Ang naturang short film ay inilabas kasabay ng opisyal na paglulunsad ng bagong album ni Jennylyn, ang "JEN Deluxe", na siyang kasunod ng kaniyang self-titled EP noong 2025.
Eksklusibong ipinalabas ang pelikula noong Huwebes, Agosto 20, sa ginanap na media conference at album launch sa Cubao.
Ginamit bilang pundasyon ng kwento ang iba't ibang kanta mula sa album, na hango rin sa totoong buhay at personal na paglalakbay ng aktres.
“Buhay ko ito; kung paano ako nagsimula, pati na ang mga pinagdaan kong struggles at emosyon,” pahayag ni Jennylyn.
Inilahad din ng aktres na nakasentro ang buong album sa iba't ibang mukha ng pagmamahal.
“This is a story of love. Iba't ibang klaseng pagmamahal; pagmamahal sa sarili, pagmamahal sa craft, pagmamahal sa ibang tao, at sa partner mo,” dagdag pa niya sa ginanap na media launch.
Ibinahagi rin niya ang iba't ibang genre ng musika na nakapaloob sa album at tampok sa pelikula,
“Meron kaming medyo dance na panggawian ng Gen Z. Meron ding love songs; dun ako nanggaling sa mga hugot love songs kaya hindi namin inalis 'yun. Merong masasakit, merong masasaya. Sinigurado naming may iba't ibang genre para ma-enjoy ng lahat.”
Ang maikling pelikulang ito ay nasa ilalim ng direksyon ng kilalang direktor na si Irene Villamor.
Video courtesy of ABS-CBN Star Music (YT)
Binubuo ng walong kanta ang album na "JEN Deluxe", na isinunod sa pangalan ng Kapuso singer-actress.
Tampok dito ang dalawang bagong track na "Tutuloy Pa Ba?" at "Hindi Man Masabi".
Kabilang din sa album ang anim na unang inilabas na awitin: "Paulit Ulit Kang Pipiliin", "Sa Gitna", "Hihintayin Kita", "Kung Nandito Ka Pa", "Ayaw Pang Umuwi", at "Hindi Pa Rin Sapat". Ang mga kantang ito ay nagmula sa orihinal na JEN EP noong Mayo 2025, na siyang naging opisyal na pagbabalik ni Jennylyn sa larangan ng musika matapos ang siyam na taon.
Related Gallery: Jennylyn Mercado unveils new album 'JEN Deluxe'