GMA Logo Jennylyn Mercado
Source: Michael Paunlagui, GMANetwork.com
What's Hot

Jennylyn Mercado, piniling maging 'hands-on mom' sa kaniyang mga anak

By Mark Joseph F. Carreon
Published August 23, 2026 4:15 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Strong 6.7-magnitude quake strikes southern Peru — USGS
Man lands in hospital after fire razes home in Bacolod
Otherworld Festival Manila is happening this November

Article Inside Page


Showbiz News

Jennylyn Mercado


Ipinahayag ni Jennylyn Mercado na pamilya ang kanyang prayoridad: “Mas marami talagang oras sa mga bata.”

Pamilya at ang pagpapalaki sa mga anak ang pangunahing prayoridad ngayon ng Kapuso Ultimate Star na si Jennylyn Mercado.

Sa isang eksklusibong panayam sa GMANetwork.com sa ginanap na album launch ng JEN Deluxe noong Huwebes, August 20, ibinahagi ng aktres kung paano niya nababalanse ang kaniyang karera at obligasyon bilang isang ina at asawa.

Ayon kay Jennylyn, malaki ang tulong ng kaniyang management upang masiguro na hindi naisasakripisyo ang kaniyang oras sa bahay at sa pagiging ina sa mga anak nila ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo.

“Madali lang 'yan. Especially 'yung management namin, kabisado na 'yung mga schedule namin, sinisigurado nila na mas mahaba 'yung oras sa pamilya. Meron kaming palaging oras para sa mga bata,” pahayag ng aktres.

Kamakailan, ibinahagi ng kaniyang asawang si Dennis sa isang panayam sa Fast Talk with Boy Abunda na naka-focus na ito sa pagiging isang ama at asawa higit sa pagiging artista. Tumugon din si Jennylyn at sinabing ganoon din ang kaniyang prayoridad—ang mag-focus at maglaan ng panahon sa kanilang pamilya.

Binigyang-diin ng aktres ang kagustuhang tutukan ang pagpapalaki sa kanilang mga anak, lalo na kay Dylan na bata pa.

“S'yempre ganoon din, kung mapapansin nila na medyo hindi na rin ako 'yung nagte-taping or nagsu-shooting ng mga pelikula, [or] may ginagawang [mga projects], hindi,” ani Jennylyn.

“Ako, mas gusto ko na isa lang sa isang taon, isang series sa isang taon para I get to be with my family. Mas nakakasama ko sila madalas, especially kasi baby pa si Dylan. Gusto ko na mas tutukan siya, 'yung paglaki niya. Importante para sa aming mag-asawa na mas marami talagang oras sa mga bata,” dagdag pa niya.

Bukod sa pagma-manage ng oras sa pamilya, nabanggit din ni Jennylyn ang muling pagtatambal nila ng kaniyang asawang si Dennis sa proyektong Sanggang Dikit FR.

Nang tanungin kung posible bang masundan agad ang proyektong ito, binigyang-diin ng aktres ang haba ng panahong inintay bago sila muling nagkasama sa harap ng kamera mula noong huli silang nagpareha.

“After noong soap namin na My Faithful Husband, ten years 'yon bago ulit magkaroon ng Sanggang Dikit. So, gano'n katagal bago kami magkaroon ng chance na magkasamang dalawa sa isang project,” aniya.

Umasa naman si Jennylyn na hindi na muling aabutin ng isang dekada bago masundan ang kanilang tambalan sa telebisyon o pelikula. “Sana ngayon, 'wag naman ganoon katagal. Sana naman hindi ten years, kahit mga three years lang.”

Ikinasal si Jennylyn Mercado kay Dennis Trillo noong 2021, at biyaya sa kanila ang anak na si Dylan.

Bukod sa kaniyang panganay na si Jazz, anak niya kay Patrick Garcia, buong-pusong tinanggap at inaaruga rin ni Jennylyn si Calix, ang anak naman ni Dennis sa dating kasintahang si Carlene Aguilar.

Magkakasamang itinaguyod ni Jennylyn ang kanilang maayos na blended family. Sa kasalukuyan, nakatutok ang aktres sa pagiging isang mapagkalingang ina at sa buong-pusong paggabay sa kaniyang mga anak.

Related Gallery: Jennylyn Mercado unveils new album 'JEN Deluxe'