
Nasa taping ng upcoming series na Love.Die.Repeat si Ultimate Star Jennylyn Mercado nang malaman niyang siya ay nagdadalang-tao.
Bukod sa kanila ni Dennis, pinili na lang daw muna nilang hindi ipaalam ang tungkol sa pagbubuntis ni Jennylyn.
"Nagdesisyon kami na hindi talaga muna sabihin sa kahit sino. Literal, ako lang ang nakakaalam talaga sa set. 'Yung gigising ka na parang wala kang kakampi. Tapos hindi mo alam kung magiging safe pa ba sa 'yo kasi ang dami kong mga ginagawang physical sa mga eksena. 'Yung pinagdadaanan ng character mabigat talaga simula umpisa. Iyak, tapos ang dami kong eksena na talagang kailangang kong gumalaw, madapa, madulas, tumakbo," kuwento ni Jen.
Dahil dito, nagdesisyon na silang ipaalam kahit sa ilang tao man lang sa set ang kondisyon ni Jennylyn.
"Nag-aalala 'ko kasi siyempre hindi alam nung mga tao doon, hindi ko sinsabi sa kanila na ganito yung sitwasyon ko. Hindi ko alam kung safe pa ba 'yun para sa akin. Ang hirap itago. Pero dumating na 'yung oras na hindi ko na kaya so kailangan ko nang sabihin," paliwanag ng aktres.
"Una kong sinabi kay Ms. Joy (Pili), 'yung aming executive producer at kay direk Irene (Villamor)," dagdag ni Jen.
Matapos daw niya itong ipaalam kahit sa ilang piling tao lamang, naramdaman daw niyang mas magiging ligtas na siya at kanyang baby.
"Gumaan na 'yung pakiramdam ko. Finally, mayroon akong nasasabihan at kahit papano maaalalayan nila 'ko sa set. At least, medyo safe na 'yung pakiramdam ko," aniya.
Nagpaalam pang lumabas ng lock-in si Jennylyn para mapatingnan ang kalagayan niya at ng dinadala niyang sanggol. Pinayagan naman siya ng produksiyon.
"After ng first ultrasound, sobrang happy namin. Sa kabila noong mga pinagdaanan niya sa taping, safe at okay pa rin 'yung baby namin," pahayag naman ni Dennis.
Matapos ito, pinayuhan ni Ms. Joy si Jennylyn na ipaalam na sa buong cast at crew ang kanyang pagbubuntis para makapag-adjust sila sa kondisyon nito. Binigyan pa siya ng ilang araw ng produksiyon para makapagpahinga bago siya bumalik sa lock-in taping.
"Pero sa bigat ng mga eksena ko, napaka emotional tapos 'yung physical requirements na kailangan ng mga eksena, hindi ko ine-expect na magbi-bleed ako," bahagi ni Jen.
Matatandaang napabalita na nagkaroon 'di umano si Jennylyn ng isang medical emergency kaya kinailangang mag-pullout mula sa lock-in taping ng Love.Die.Repeat.
"Nag-alala kami noong natanggap namin 'yung text nung OB niya. Doon kami nagdesisyon na pauwiin na si Jen. Tigil na muna 'yung trabaho para makauwi na siya sa bahay at mas maalagaan siya doon," lahad naman ni Dennis.
Sa susunod na episode ng kanilang online series na After All, ipapaliwanag nina Dennis at Jennylyn ang nangyaring medical emergency at ang desisyon nilang pag-pullout ni Jen mula sa taping ng kanyang upcoming serye.
Panoorin ang pangatlong episode ng After All dito:
Silipin din kung paano nag-propose si Dennis kay Jennylyn sa gallery na ito: