
Nasa edad 18 o 19 pa lamang daw nang magkaroon ng anak ang batikang action star na si Jeric Raval. Pag-amin niya, mayroon siyang anak sa pagkabinata.
Sa interview sa award-winning journalist at news reporter na si Susan Enriquez para sa "Kay Susan Tayo! Vlogs," ikinuwento ni Jeric ang pagkakaroon ng 18 mga anak sa pitong mga babae.
Ayon kay Jeric, "ordinaryo" na lang para sa kanya kapag may nagtatanong tungkol sa pagkakaroon niya ng mga anak sa iba't ibang babae.
"Wala ordinaryo na lang e. 'Pag tinanong, 'Ah, may anak ka pala kay ano? 'Oo,' kako. Ilan anak mo do'n? Tatlo. Mas nakakahiya kasing sabihing, 'Oo, anak ko 'yon.' Mas nakakahiya 'yon tapos pinabayaan mo lang," sabi ng aktor.
Ani Jeric, hindi siya nagsisisi na nagkaroon ng maraming anak dahil mababait ang mga ito.
"Pero kung ako ang tatanungin, kung mababalik ko lang 'yung panahon, siguro ang anak ko, marami na 'yung lima. Kasi ang tagal ng panahon na hindi ko na-priority 'yung sarili ko."
Binalikan din ng aktor ang sabay na pagbubuntis noon ng dating aktres na si Monica Herrera, kung saan aniya mayroon siyang tatlong anak, at ng asawang si Holiday Buensuceso.
"Buntis 'yung si Holiday, manganganak siya. Halos sabay nanganak. Si Monica nanganak sa kapatid ng nanay ko sa US. Silang dalawa. Pagano'n-gano'n ako.
"Kung isasapelikula mo 'yung buhay ko, comedy. Lalo na sa ospital. Nanganganak 'yung isa, tatakbo ako ro'n. Kasi Quezon City, 'yung isa Pampanga. Pagano'n-gano'n ako."
Ayon kay Jeric, ang kuwento kung bakit nadagdagan nang nadagdagan ang mga anak niya ay dahil sa kakahintay niya na may lumabas na lalaki.
"Puro babae. Anim 'yung lalaki," sabi ni Jeric. "Nu'ng dumating na 'yung mga lalaki, tinigil ko na. Anim, okay na 'yon."
Nagbigay rin ng mensahe ang aktor na huwag siyang tutularan sa pagkakaroon ng maraming anak. Sabi niya, "Huwag n'yo akong gagayahin ha! Mahirap ang time management."
Pagdating naman sa relasyon sa mga nanay ng kanyang mga anak, aniya, mababait sa kanya ang mga ito.
Kuwento ni Jeric, itinaguyod niya ang 18 mga anak sa "panahon na patay ang movie industry."
Bukod sa showbiz, iba't ibang trabaho rin ang pinasok ng aktor tulad ng pag-buy and sell ng sasakyan, build and sell ng bahay, pagkontrata ng mga trusses at mga bubungan.
Rumaket din daw siya noon sa Japan. Sabi niya, "Pakanta-kanta ka lang kahit 'di ka marunong kumanta. Bawat pupuntahan namin na bar, tatlong kanta. Lilipat na naman kami, lagari rito, tatlong kanta roon. Two months, three months babalik na naman.
"Pupunta lang ako roon kapag may kasabay akong artistang babae. Kasi kung ikaw lang na lalaki, 'di ka panonoorin do'n. Kailangan ang kasama mo babae, para 'pag dumating 'yan ang viewer Hapon, ang viewer Pinoy, may kasamang Pinay-Pinay, matutuwa naman."
Panooring ang buong interview ni Jeric Raval sa "Kay Susan Tayo! Vlogs" dito:
Related content: Jeric Raval, hinimok si AJ Raval na umamin tungkol sa mga anak: 'Para
matapos na'