
Malaki ang pasasalamat ni Jessica Villarubin sa oportunidad na ibinigay sa kaniyang ng GMA Network at ngayon ay mag-iisang taon na siyang Kapuso artist simula nang manalo sa "The Clash Season 3."
"I am very grateful po na maging parte ng pamilyang ito kasi 'yung GMA po talaga dahilan kung bakit natupad 'yung pangarap ko sa buhay. Ito 'yung naka-discover sa 'kin," pagbabahagi ni Jessica sa virtual Zoom interview.
Masaya rin siya ngayong naipapakita na niya sa mundo ang kanyang talento, gayundin ang magsilbing inspirasyon para sa iba pang mga nangangarap na maging isang mang-aawit.
"So super grateful po maging Kapuso. Super saya kasi nabigyan ako ng pagkakataon maibahagi ang aking talento at maging inspirasyon sa mga nangangarap," dagdag pa nito.
Regular na makikita sa "All Out Sundays" si Jessica at bukas siya sa ano mang proyekto na ibibigay ng network sa kanya, maging ang pag-arte. Handa rin na matuto sa pag-arte si Jessica pero sa ngayon ay focus muna siya sa pagkanta.
Noong December, tinanghal na grand champion si Jessica sa 'The Clash' Season 3 bilang ang "Power Diva ng Cebu."
Si Jessica ang pangatlong grand champion ng 'The Clash' na sumunod kina Golden Canedo at Jeremiah Tiangco.