
Malapit nang masaksihan ang angking talento ni South Korean actor Ji Sung sa kanyang karakter bilang si Julius Park sa Korean drama series na Innocent Defendant sa GTV.
Ang kanyang role na si Julius Park ay isang matinik na prosecutor sa Seoul Central District.
Siya ay tinitingala at kinatatakutan ng marami dahil sa kanyang bilis sa paghahatid ng hustisya sa mga biktima at kaparusahan para naman sa mga kriminal.
Sa likod ng kanyang mataas at marangal na imahe, si Julius din ay isang mapagmahal na asawa at tatay sa kanyang pamilya. Ngunit, isang pangyayari ang babago sa mundo at buhay ni Julius.
Matapos ipagdiwang ang kaarawan ng kanyang anak na si Hannah, gigising si Julius sa loob ng bilangguan bilang isang death row inmate dahil sa pagkamatay ng kanyang asawang si Lisa at anak.
Paano siya napunta sa ganoon na sitwasyon?
Sa kapanapanabik na Korean drama series na ito, mapatunayan kaya ni Julius ang kanyang pagiging inosente? Mahanap kaya niya ang tunay na kriminal na pumatay sa kanyang asawa at anak?
Makakasama ni Ji Sung sa kaabang-abang na Korean legal drama series na ito sina Um Ki-Joon bilang si Reggie, Uhm Hyun Kyuk para sa karakter ni Sandy, Kwon Yuri na gaganap bilang si Cortney, at Oh Chang Suk na sasabak sa role bilang si Norman.
Kilala si Ji Sung sa kanyang husay sa pag-arte at napabilang na din sa iba't ibang Koreanovela dramas gaya na lamang ng Doctor John (2019), Kill Me Love Me (2015), New Heart (2007), Save the Last Dance For Me (2004), at All In (2003).
Abangan si Ji Sung bilang si Julius Park sa pinakabago at pinaka-kapanapanabik na Innocent Defendant na malapit nang mapanood sa GTV.