
Hindi na makapaghintay ang Star of the New Gen na si Jillian Ward sa kanilang upcoming tour na "Sparkle Goes to Japan" ngayong September 1.
Kasama ng Abot-Kamay na Pangarap actress ang kanyang co-star na si Ken Chan at iba pang Sparkle artists na sina Ruru Madrid, Bianca Umali, Rayver Cruz, Julie Anne San Jose, at Betong Sumaya. Makakasama rin nila si Ms. Divine Daldal bilang special guest host.
Kamakailan lang, ginanap ng Sparkle GMA Artist Center ang grand media conference ng Sparkle World Tour. Kasama rin nila Jillian ang mga Sparkle stars na sina Alden Richards at Isko Moreno sa event.
Sa kanilang panayam sa media conference, ibinahagi ni Jillian ang kanyang excitement na makilala pa ang kanyang co-stars sa tour. Kuwento rin ni Jillian, looking forward siya sa mga puwede niyang matutunan sa kanila, lalo na't siya ang pinakabata sa grupo.
"First time ko po sa Tokyo and nagulat po ako na parte po ako ng Sparkle Tour na ito kasi siyempre po, magagaling ang mga kasama ko po and ako po 'yung pinaka bunso. So na-e-excite ako kasi feeling ko po ang dami kong matutunan," sinabi ni Jillian.
Sabik din siyang makilala na ang kanilang global Pinoy fans sa bansa. Nais niya raw mag-perform para makita ang mga ngiti ng mga Pinoy overseas.
"Tapos po makakapag-perform pa po ako para sa mga global Pinoys. So parang dinadala po namin 'yung Pilipinas sa Japan. Para sa akin po kasi sobrang hilig ko mag-perform po kasi iba 'yung ngiti ng mga tao so na-e-excite ako," pahayag niya.
Ibang Jillian naman daw ang makikita ng fans sa event. Kung ang kanyang iconic karakter na si Doc Analyn ay madalas nakikitang seryoso, mapapanood naman ng fans ang lighter side ng aktres.
Aniya, "Plus kasi po 'yung mga tao nakikita lang kami sa TV, sa Abot-Kamay na Pangarap, which is drama po siya, medyo heavy. Ito naman po performance so light lang siya, masaya lang siya."
Maliban dito, excited na rin si Jillian na makapasyal sa Japan, lalo na sa tinaguriang happiest place on Earth, ang Disneyland.