
Nagsalita na ang Star of the New Gen na si Jillian Ward kaugnay sa hate comments na natatanggap niya online.
Sa kanilang kuwentuhan sa limited talk series na My Mother, My Story, inamin ng Sparkle star na matagal niya na raw nararanasan ito kahit bata pa lamang siya.
"Ganiyan na po sila ever since po, na parang underage pa lang po ako, ang dami po nilang misconceptions about me. I think medyo unfair po siya kasi sana nakikita po nila na naka-diaper pa lang po ako na nagwo-work na ako," pahayag niya.
Hindi rin maiwasang masaktan ni Jillian sa mga nababasa niyang bintang galing netizens. Tinawag niya pa itong "cruel at unfair" dahil hindi naman talaga alam nila ang totoong istorya ngunit sinasabihan pa rin siya ng masasakit na salita.
Aniya, "Parang ang cruel niya po kasi underage pa lang po tapos meron silang nasasabi na mga scandalous na mga bagay na wala po talagang basis. Sobrang fake news. Mga ilang taon lang ako, 16."
Nilinaw rin ni Jillian ang kaniyang isyu sa pagbili ng magagarang gamit at engrandeng debut. Klaro ng aktres, na galing lahat iyon sa kaniyang ipon at tulong mula sa kaniyang loyal brand sponsors at GMA.
"So, pinag-ipunan ko lahat ng meron din po ako ngayon. Actually, even GMA po nag-share sa debut ko. 'Yung mga endorsements ko po nag-share sila. Kumbaga po, lahat ng meron po ako, galing po iyon sa hardwork ko talaga. Sa malinis na paraan," paliwanag niya.
Kahit dumadagsa pa rin ang hate comments, mas pinili ng Kapuso aktres na huwag pansinin ito. Handa rin ang kaniyang ina na si Jennifer Ward na ipagtanggol siya laban sa bashers. Tinuturuan din ang Sparkle star na huwag alalahanin ang mga hindi totoong bagay.
"Sabi niya nga po kung 'di naman totoo, wala akong kailangan patunayan. Wala akong kailangan sabihin," sabi ni Jillian.
Panoorin ang full episodes at highlights ng TV special My Mother, My Story sa mga social media pages at website ng GMA Network.
Samantala, balikan dito ang highlights ng panayam ni Jillian Ward sa programa: