
Puno ng emosyon ang naging panayam ng Star of the New Gen na si Jillian Ward sa limited talk series na My Mother, My Story nitong Linggo (July 21).
Isa sa mga pinag-usapan ni Jillian ang buhay ng kaniyang ina na si Jennifer Ward.Inamin ng Kapuso star na siya ay ipinanganak noong 19 years old pa lamang ang kaniyang ina. Ibinunyag din niya na siya'y muntikan nang hindi ituloy nito.
Dahil bata pa lamang si Jennifer noon, gulong-gulo pa ang kaniyang isipan at natatakot harapin ang kaniyang ina. Ngunit pagkatapos magdasal sa simbahan at malalim na pag-iisip, nagpasya si Jennifer na ituloy ang pagbubuntis niya kay Jillian.
Nang tanungin ang Abot-Kamay na Pangarap star kung ano ang kaniyang reaksyon nung nalaman niya na muntikan na siyang ipalaglag, maunawain niyang sinagot na naiintindihan niya ang pinagdaanan ng kaniyang ina.
"Actually, I think 'yung iba na in-expect nila na magalit ako sa mother ko or ma-disappoint ako. Pero naintindihan ko po kasi siya, eh. Na super bata niya noon. So siyempre may fear," paliwanag niya.
Para sa Sparkle star, nais niyang ipakita sa ina na tama ang desisyon nito.
Aniya, "Siyempre mas grateful po ako na buhay po ako ngayon. Kaya nga po gusto ko i-prove kay mama na hindi naging mali ang desisyon niya na, well of course, younger po siya noon, so takot po siya. Pero gusto ko i-prove sa kaniya na dati iyon. 'Yun 'yung past. Ngayon po, I will do my best to make her proud. 'Yun 'yung reaction ko po doon."
Dagdag pa niya, "Pero ngayon parang, ngayon that she's older, nandito na kami. Gusto ko ipakita sa kaniya na, 'You made the right choice and there's nothing to fear anymore kasi nandito kami.'"
Nilinaw naman ng kaniyang nanay na hindi niya pinagsisisihan ang kaniyang desisyon. Ngunit hiling na lang niya kay Jillian na mag-focus muna sa sarili at abutin ang kaniyang mga pangarap.
"So sinasabi niya po sa akin parang hindi naman sa rine-regret niya kasi masaya po siyang nandito kami. Kami ng mga kapatid ko, especially kami 'yung mga panganay ganiyan. Pero siyempre sinasabi parang I should work on myself po talaga muna. Iyon 'yung wish niya na sana nagawa niya for herself. 'Di naman sa nire-regret niya na nandito kami," sabi ni Jillian.
Dahil sa kuwento ng kaniyang nanay, pursigido si Jillian na abutin ang kaniyang mga pangarap. Para sa aktres, ang pagiging artista ay isa sa mga paraan para matupad din ang mga pangarap ng kaniyang ina.
Panoorin ang full episodes at highlights ng TV special My Mother, My Story sa mga social media pages at website ng GMA Network.
Samantala, alamin ang komento ni Boy Abunda tungkol sa kaniyang panayam kay Jillian Ward: