
Ipinagdasal ng Sparkle actor na si John Clifford na mapabilang sa cast ng upcoming Gen Z series na MAKA.
Kuwento ni John Clifford, nang mabasa niya ang script noong nag-o-audition pa lang sa MAKA ay ipinagdasal na niyang makuha rito.
"Ito 'yung isa sa mga shows na sabi ko, 'Please, Lord.' This is the show that I really want to have a shot, have a chance of doing," sabi ng teen actor.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, ipinarating din ni John Clifford kung gaano siya kasaya na mapasama sa bagong teen show ng GMA Public Affairs.
"Siyempre super happy. Until now hindi pa rin ako makapaniwala na I'm finally part of the new youth-oriented show ng GMA.
"I really feel happy kasi 'yung goal ko is siguro to be of reach to the youth, to the people like sa mga ka-age ko na magkaroon ng voice. 'Di ba kasi alam ko naman na hindi puro happy or good side 'yung nararamdaman namin, marami rin kaming hardships na nararamdaman especially sa age namin."
Sa MAKA, makikilala si John Clifford bilang JC Serrano, isa sa mga estudyante sa Arts & Performance (A&P) section ng Douglas Mac Arthur High School for the Arts o MAKA.
"May family business kami which is a funeral home. Growing up, 'yung whole family ko kasi nagme-makeup ng patay... so growing up parang natututo na rin ako na mag-makeup, kung paano makeup-an 'yung mga patay na tao. Magaling akong mag-makeup," paliwanag ni John Clifford sa kanyang gagampanang karakter.
Makakasama ni John Clifford sa teen show ang kapwa niya Sparkle stars na sina Zephanie, Marco Masa, Ashley Sarmiento, Dylan Menor, Olive May, Sean Lucas, Chanty Videla, at May Ann Basa. Makakatrabaho rin niya ang seasoned actor na si Romnick Sarmenta.
Masaya si John Clifford na muling makatrabaho sa isang project ang ilan sa Sparkle stars tulad nina Zephanie, Marco, at Sean.
"It's a dream come true kasi matagal na namin pinangarap ito na maka-work namin 'yung isa't isa," aniya.
Nang tanungin kung ano ang dapat na abangan ng manonood sa MAKA, sagot ni John Clifford, "Makikita n'yo 'yung good side, 'yung kilig, but, at the same time, makikita n'yo 'yung mga problem na [hinaharap] ng mga Gen Z ngayon. 'Yung mga pagsubok sa buhay na hindi lahat madali, may mga problema talaga pero ma-o-overcome namin 'yon."
Abangan si John Clifford sa MAKA, simula September sa GMA.