
First love never dies dahil matapos ang mahigit tatlong dekada, nagkabalikan ang ex-partners na sina Jomari Yllana at Abby Viduya at nakatakda na silang ikasal bago matapos ang 2023.
Sa Fast Talk with Boy Abunda, ikinuwento nina Jomari at Abby kung paano sila nag-reconnect matapos ang matagal na panahon.
Ayon kay Jomari, may isang araw lang na bigla niyang naisip si Abby kung kaya't hinanap niya ito sa social media at kinumusta.
Kuwento ni Jomari sa TV host na si Boy Abunda, “Naisip ko lang siya kung kumusta siya. And then socials and all that, and then I saw her on Facebook. Sabi ko, 'Siya ba 'to?' [Nag-message] ako, and then she called me up right away.”
Tinuloy naman ni Abby ang kuwento ni Jomari, “Yeah, I called him up to make sure it was him. I'm like, 'Hi, ikaw ba 'yan?'
Matapos ang naging pag-uusap, nagtuloy-tuloy na ang koneksyon nina Jomari at Abby hanggang sa sinabi ng una na bumalik na sa Pilipinas ang huli.
“I said come home,” sabi raw noon ni Jomari kay Abby.
May bagong buhay na noon si Abby sa Canada kasama ang kaniyang pamilya pero pinili niyang sundin ang kaniyang nararamdaman para kay Jomari at umuwi na nga siya sa Pilipinas.
First boyfriend at girlfirend nina Jomari at Abby ang isa't isa. Noong sila ay magkahiwalay ay nagkaroon din silang ibang mga karelasyon.
KILALANIN ANG ANAK NI JOMARI YLLANA KAY AIKO MELENDEZ NA SI ANDRE YLLANA:
Kung may natutunan man umano sila sa kanilang mga pinagdaanang relasyon ito ay ang maging tapat at totoo.
“Ako 'yung maging tapat sa lahat ng aspeto. Maging tapat ka sa mahal mo, ibigay mo lahat and ibigay mo 'yung totoo. 'Yun lang lagi,” ani Jomari.
Dagdag naman ni Abby, “To be honest with each other and to be able to relay what you want and what you don't want. I think that's important. No guessing game.”
Bago ang kanilang nalalapit na kasalan ngayong taon, hiningan ni Boy ng mensahe ang dalawa para sa isa't isa.
Mensahe ni Jomari kay Abby, “Ang pangako ko sa'yo hanggang sa huling hininga mo ako ay iyong kasama. I am your first and I am definitely your last.”
Naiyak naman si Abby sa sinabi sa kaniya ni Jomari. Sagot niya rito, “I promise to always love you for the rest of my life and I promise to always guard your heart and always be behind your back. I got your back baby.”
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.