
Nagpakita ng suporta ang Encantadia Chronicles: Sang'gre star na si Jon Lucas sa kaibigan na si Nikko Natividad matapos kumalat ang ilang sensitibong videos, kabilang na ang dancer-actor.
Sa pagbisita ni Jon, kasama si Ysabel Ortega, sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, April 27, sinabi ng aktor na nag-message siya kaagad sa kaibigan matapos lumabas ang naturang video.
“Minessage ko siya kaagad, Tito Boy, kinumusta ko siya, siyempre inisip ko kaagad 'yung family niya,” sabi ni Jon.
Ayon sa aktor, bilang respeto ay hindi niya pinanood ang naturang video at nalaman na lang na totoo ito nang maglabas na ng pahayag si Nikko at ang asawa niyang si Cielo.
“Konting kwentuhan lang, of course hindi ko na tatanungin kung bakit nangyari, ano ba nangyari. Basta nagsabi na lang ako na sobrang powerful na nu'ng message ng wife niya para [magbigay] pa ako ng ibang payo,” sabi ni Jon.
Nagbigay rin ng paalala si Jon sa kaibigan, “Kung pinatawad siya, hangga't maaari, talagang 'wag na niyang gawin, 'wag na niyang ulitin, iparamdam na niya sa wife niya 'yung pagiging tapat niya ngayon.”
Pagbabahagi ni Jon, una pa lang silang nagkasama at nakakilala ni Nikko ay alam na niya ang pinagdadaanan ng kaibigan. Alam din umano niya ang struggles na pinagdaanan ng dancer-actor, na sa kabila ng iyon, ay nanatili si Cielo sa tabi niya.
“Meron man o wala, nandu'n lang talaga. So ang laking bagay na pinatawad na siya ng wife niya para magising siya na 'Kailangan ko talagang bumawi sa family ko,'” sabi ni Jon.
Kamakailan lang, matatandaan na kumalat ang ilang pribadong videos na inuugnay kay Nikko at sa tatlo pang mga aktor. Sa panayam niya kay Ogie Diaz sa vlog nito sa YouTube nitong March, kinuwento ng dancer-actor ang nagawa niyang pagkakamali.
“Sabi ko nga po, walang words na pwedeng magpabawas o mag-cover up ng nagawa ko na— Kasi, nag-away kami ng asawa ko, kasi lasing ako, kasi may tampuhan kami--wala. Lahat nung ginawa ko mali,” sabi ni Nikko.
Pagpapatuloy niya, “Sa madaling salita, sinabi ko sa wife ko, 'Nademonyo ako, natukso, bumigay ako.' It was 2022 o 2023 nangyari 'yon... Mali ako, nademonyo ako, iyon lang po. Walang dahil nag-away kami ng wife ko, walang ganun.”
Ngunit sa kabila nito, pinatawad pa rin siya ng asawa, bagay na pinagpapasalamat ni Nikko.
Panoorin ang panayam kina Jon at Ysabel dito:
BALIKAN ANG NAGING PAHAYAG NI CIELO TUNGKOL SA ISYU NA KINAKAHARAP NI NIKKO SA GALLERY NA ITO: