
Ang Sparkle actor na si Jon Lucas ang latest guest ni Pia Arcangel sa GMA online show na Surprise Guest with Pia Arcangel.
Kasalukuyang napapanood si Jon bilang si Calvin Magallanes sa GMA action drama series na Black Rider.
Sa naging panayam ni Pia sa aktor, masaya niyang ikinuwento na mayroon siyang natatanggap na biro at mga reaksyon tungkol sa kanyang karakter sa serye.
Ayon kay Jon, kapag lumalabas siya ng bahay, ilang fans ng serye ang nakakakilala sa kanya bilang si Calvin.
Sabi pa ng aktor, ilan sa mga manonood ang nagbibiro at tila gusto siyang pagalitan dahil sa ginagawa ng kanyang karakter.
Pahayag niya, “May pahapyaw silang mga biro. For example, namukhaan nila ako bilang si Calvin Magallanes po. Bago sila magpa-picture sinasabi nila, “Ay, naiinis ako sa'yo. Bakit ginawa mo pa rin 'yung ganito.” Ginaganon po nila ako, tapos magpapa-picture na po sila.”
“Buti po nauunawaan pa rin nila na role lang po natin 'yun at kailan lang talaga sa istorya po.'Yun po 'yung nakakatuwa, na-appreciate ko po 'yung mga ganong bagay,” dagdag pa niya.
Kasunod nito, binanggit ni Jon na galak na galak ang buong team ng Black Rider sa patuloy na pagtaas ng ratings ng kanilang programa.
Samantala, hindi lang isang aktor si Jon, kilala rin siya ng marami bilang isang hands-on dad at mapagmahal na real-life partner.