
Umani ng milyong views sa Facebook ang vlog ng The Clash gradaute na si Jong Madaliday kung saan hinarana niya ang ilan foreign girls sa online chat website na Omegle.
Pinuri ng mga ito ang probinsyanong singer dahil sa maganda at nakaka-in love niyang boses.
Sambit ng isang naka-chat ni Jong na taga-US na gulat nang gulat nang marinig siyang kumanta, "If I have a golden buzzer right now, I've been hitting that."
Dahil dito, marami ang nag-request kay Jong na subukan naman haranahin online ang kanyang mga kapwa Pilipino.
Ngunit, sa kasamaaang palad, hindi naging maganda ang karanasan dito ni Jong.
Hindi niya sukat-akalain na kapwa Pinoy pa niya ang mismong mang-iinsulto sa kanya, bagay na hindi niya naranasan sa mga foreigner.
Sa video na ipinost ni Jong sa Facebook noong Linggo, January 17, mapanonood na apat na binatilyong Pinoy ang random chatmates niya sa online video chat na OmeTV.
Ang isa sa mga ito, pinuntirya ang ilong ng Kapuso singer.
Bulalas ng lalaking ka-chat ni Jong, "Bakit ganyan ang ilong mo? Lintek na ilong 'yan, butas-butas!"
Halatang hindi nagustuhan ni Jong ang mga salitang binitawan ng lalaki.
Depensa tuloy ng mang-aawit, "Nasa vlog ko kayo, p're. Panindigan mo 'yung sinabi mo."
Nag-sorry naman ang lalaki habang naririnig na tumatawa sila ng kanyang tatlong kasama.
Aminadong nasaktan si Jong sa panlalait na ginawa sa kanya kaya minabuti niyang ipagpaliban muna ang paggamit ng OmeTV sa kanyang vlogs.
Aniya, "Gusto ko lang naman kayo pasayahin pero bakit gano'n? Haha 1st time ko dito, ang dami kasi nagre-request na mga Pinoy naman daw haranahin ko pero ganito ang naingkwentro ko whoo lets go [face with tears of joy emoji.] Naka-tatlong video pa lang ako niyan, pass muna sa OmeTv, Omegle nalang tayo [face with tears of joy emoji]."
Sabi pa ni Jong, mas kakayanin niya ang physical pain kaysa masaktan sa emosyonal na paraan.
"MAS OKAY NA 'YONG BUGBUGIN KA, MATATANGAL PA 'YONG SAKIT PERO MASASAKTAN KA EMOTIONAL SH*T, 'DI KO KAYA."
Dahil dito, napatunayan ni Jong ang toxic culture sa Pilipinas na hindi ka papaboran kapag hindi ka gwapo o maganda.
Napagtanto niya, "Dito sa Pilipinas, 'di sapat na may talento ka kasi lahat kayang gawan ng issue. Woah! Grabe, ito 'yong time na sana sa ibang bansa na lang ako nakatira, siguro mas tanggap nila ako, mas ma-a-appreciate nila ang hitsura ko, ang kulay ko, at ang talento ko. Napaka-hirap mag-excel sa Pilipinas kung "ganito" ka lang [sad face emoji]."
Minarapat na rin daw ni Jong na i-post sa social media ang naranasang pang-iinsulto para magbigay ipahayag na walang magandang maidudulot ang pambu-bully.
Sambit niya, "It's not okay, may nasisirang mga buhay dahil sa pagiging reckless either it is unintentional or what. Wala naman mawawala sa 'tin kung magiging kind tayo sa isa't isa.
"Let's spread happiness and be kind to everyone please.
"Kasi 'di natin alam sa konting act ng kindness natin nakaka-save tayo ng buhay.
"Please be kind please."
Maraming benepisyo ang paggamit ng social media.
Gayunpaman, marami ang nananamantala rito para manira ng ibang tao.
Dahil dito, maraming organisasyon ang sumusulong sa kampanya kontra cyberbullying at isa riyan ang GMA Network na matagumpay na nailunsad ang #HeartOverHate campaign noong 2016.
Tingnan sa gallery na ito ang Kapuso stars na lumahok sa kampanya kontra cyberbullying: