
Inamin ni Joshua Garcia sa Fast Talk with Boy Abunda na maayos ang relasyon niya ngayon sa ex-girlfriend niya na si Julia Barretto.
Sa May 25 episode ng nasabing programa, muling nakapanayam ng batikang TV host na si Boy Abunda ang Kapamilya actor na si Joshua matapos ang halos apat na taon.
Sa kanilang kumustahan, ikinuwento ni Boy kay Joshua ang naging pag-uusap nila ni Gabbi Garcia kamakailan. Tinawagan kasi ni Gabbi ang kaibigang si Julia upang ipaalam na makakatrabaho niya ang aktor na ex-boyfriend nito sa groundbreaking series na Unbreak My Heart.
Dito ay pahapyaw na natanong ni Boy si Joshua kung magkaibigan ba sila ngayon ni Julia.
“Okay naman kami Tito Boy, okay kami,” sagot naman ng aktor.
Matapos ito muling nagtanong si Boy kay Joshua, “But are you willing to work with Julia in the future?”
“Yes, sinasabi ko sa mga bossing namin 'yun,” mabilis na tugon ni Joshua.
Nang tanungin naman ni Boy si Joshua kung, “Buo ba ang puso mo ngayon?”
Agad na sumagot si Joshua, “Yes, buong-buo.”
Samantala, ayon kay Joshua, hindi niya na nagawang magpaalam pa sa kapwa aktor at boyfriend ni Gabbi na si Khalil Ramos tungkol sa pagsasama nila ng aktres sa Unbreak My Heart pero paglilinaw niya, “Hindi ako nakapag-reach out sa kaniya na kinausap ko siya pero I sent gifts for them…at saka friends naman kami ni Khalil.”
Samantala, mapapapanood na ang Unbreak My Heart na pinagbibidahan nina Joshua, Gabbi, Richard Yap, at Jodi Sta. Maria sa darating na May 29, 2023.
Ipapalabas ito tuwing Lunes hanggang Huwebes sa GMA Telebabad, Pinoy Hits, at I Heart Movies, 9:35 p.m., at sa GTV naman ay sa oras na 11:25 p.m.
Para naman sa advance streaming, maaari itong mapanood sa May 27,9:00 p.m. sa GMANETWORK.com, iWantTFC, at Viu.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SILIPIN ANG SWOON-WORTHY PHOTOS NI JOSHUA GARCIA SA GALLERY NA ITO: