
Inaabangan na ng mga manonood ang Season 2 ng drama series na Unbreak My Heart na ipapalabas na sa Lunes, August 28, 2023.
Isa ang aktor na si Joshua Garcia sa mga napapanood sa serye bilang bida.
Labis niyang napapakilig at napapasaya ang kanyang fans at viewers sa pamamagitan ng kanyang karakter na si Renz sa Unbreak My Heart.
Ngunit ano naman kaya ang nagpapasaya sa kanya?
Sa isang exclusive interview ng GMANetwork.com kay Joshua, nagkwento ang aktor tungkol sa mahahalagang bagay na labis na nagpapasaya sa kanyang puso.
Pagbabahagi niya, “Ang nagpapasaya sa akin ay kapag masaya 'yung mga importanteng tao sa paligid ko, kapag they're at peace and safe sila palagi.”
Kasunod nito sinagot naman ni Joshua ang tanong kung paano niya ibinabahagi ang happiness na mayroon siya ngayon.
Sagot niya, “Maraming paraan ng pagbabahagi ng happiness, pero ang masasabi ko sa ngayon ay through food, magluluto ako para sa importanteng tao sa 'kin.”
Matatandaang kamakailan lang ay ginulat ni Joshua ang kanyang fans at co-stars nang mag-enroll siya sa isang culinary class.
Samantala, nito lamang August 11, pinasaya ng aktor ang ilan sa kanyang fans nang sorpresahin niya ang mga ito sa event ng fast-food na Jollibee na kanya mismong ine-endorso.