
Masayang ikinuwento ng rockstars na sina Jugs Jugueta at Teddy Corpuz sa Fast Talk with Boy Abunda ang kanilang pagsisimula noon bilang hosts ng It's Showtime.
Noong 2009 nang ipakilala sina Jugs at Teddy bilang bahagi ng programang Showtime kasama sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Karylle, at dating mainstay hosts na sina Billy Crawford at Kuya Kim Atienza.
Kuwento ni Jugs sa batikang TV host na si Boy Abunda, nangangapa pa siya noong una dahil wala siyang masyadong kilalang artista.
Aniya, “For me, it's very difficult, Tito Boy, lalo na nung first few years kasi may mga guest sa ABS [-CBN] sa Showtime na…tinatanong ko, 'Sino 'yun? Artista ba 'yun?' Tapos siya [Teddy Corpuz] 'yung magsasabi na, 'Ah jowa niya 'yung ganito tapos ganito,' Kasi I didn't know anyone except you and Kris [Aquino].”
Pabirong hirit naman ni Teddy, “Ako naman po I was really born as a star talaga.”
Paglilinaw niya, nagkaroon na siya noon ng exposure sa camera nang maging cast siya ng Idol ko si Kap sa GMA.
“Seryoso... Bago pa kasi ako mag-Rocksteddy nag-aarti-artista na ako before…here in GMA. So 'yung fast talk, ako 'yung pinakamabilis magsalita sa Idol ko si Kap before,” ani Teddy.
Dagdag pa niya, “Hindi pa uso 'yung spoken word, nag-i-spoken word na ako before. So medyo may training na ako ng kaunti sa pagiging in front of the camera sa pag-acting. So kami ni Jugs medyo ako 'yung ano niya, 'yung, 'Pare 'wag mo akong iiwan dito ha.'”
Dahil parehong frontman ng kani-kanilang mga banda, si Jugs sa Itchyworms at si Teddy naman ay sa Rocksteddy, madalas ay hating-gabi na ang tapos ng kanilang gigs kaya malaking adjustment sa kanila noon ang gumising ng maaga para sa Showtime.
Kuwento ni Jugs, “When Showtime started it was a morning show. So medyo it was difficult for us kasi medyo sanay kami na parang 12:00 [midnight] natutulog tapos 2:00 p.m. gumigising. Pero nung nag-start ang Showtime kailangan gumising kami ng 7:30 a.m. So medyo nahirapan po kami nung umpisa.”
Ayon sa dalawa, pinilit nilang sumunod sa call time ng programa dahil ayaw nilang mawala sa show.
“Hindi kami aalis, tatanggalin nila kami,” Biro ni Teddy.
Hirit pa niya, “Hindi kami aalis dito kahit babuyin namin ang sarili namin.”
Dagdag pa ni Jugs, “At saka ilang beses na 'yung kapit sa patalim. 'Wag n'yo kaming tanggalin parang awa n'yo na.'”
“May mga ano na words na kaming naririnig pero kumapit kami sa patalim,” natatawa pang sinabi ni Teddy.
“Maraming salamat at nandito pa rin kami,” ani Jugs.
Sa “Fast Talk,” nilarawan naman nina Jugs at Teddy ang pamilyang nabuo nila sa It's Showtime.
“Loyal,” ani Jugs.
“Authentic,” proud naman na sinabi ni Teddy.
Sa ngayon, mas pinalaki pa ang It's Showtime family kabilang sina Jhong Hilario, Kim Chiu, Ogie Alcasid, Amy Perez, Ryan Bang, Darren Espanto, MC Mwah, Lassy, Ion Perez, Jackie Gonzaga, Cianne Dominguez at marami pang iba.
Mapapanood ang It's Showtime Lunes hanggang Sabado sa GMA.
RELATED GALLERY: Here's what went down on It's Showtime's debut on GMA