
Sinagot na ng magkaibigan at dalawang Kapuso singer-actress na sina Julie Anne San Jose at Rita Daniela ang matagal ng tanong kung nagkaroon nga ba sila ng inggitan sa naging takbo ng kanilang mga karera.
Matatandaan na magkasama noon sina Julie Anne San Jose at Rita Daniela sa talent competition na Pop Star Kids kung saan si Rita ang itinanghal na kampeon.
Mula noon, sabay na nagtuloy-tuloy ang showbiz career ng dalawa bilang singer at kalaunan ay naging aktres na rin.
Sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Biyernes, November 24, nag-promote sina Julie at Rita ng kanilang upcoming concert na Queendom kung saan kasama nila sina Jessica Villarubin, Thea Astley, Mariane Osabel, at Hannah Precillas sa darating na December 2.
Pero bukod dito, hindi nakaligtas sina Julie at Rita sa hot seat questions ng batikang TV host na si Boy Abunda.
Dito ay tinanong ni Boy ang dalawa kung nagkaroon nga ba sila ng rivalry noon.
Sagot ni Julie, “We did not see it as a competition e, parang magkakapatid kasi kaming lahat.”
Ayon pa kay Julie, matagal na silang magkaibigan ni Rita. Aniya, “So between us, kaming dalawa ni Rita, close na talaga kami no'n even before pa like the very first time na I joined Pop Star Kids. 'Yung first time na sumalang ako sa Pop Star Kids, si Rita 'yung defending champion.”
Dagdag pa niya, “Isa si Rita talaga sa mga pinaka-close ko ever since bata kami.”
“So, walang inggitan?” muling tanong ni Boy.
“Wala po,” sagot nina Julie at Rita.
“Ang mga nanay n'yo?” hirit pa ni Boy.
"Parang 'di po maiiwasan 'yun kasi feeling nila sila talaga 'yung nasa competition,” natatawang sagot naman ni Rita.
Matapos ito, muling nagtanong si Boy, “Sino ang mas mahusay na artista at sino ang mas mahusay na singer”
Sandali namang natahimik ang dalawa.
“Parang 'di ko kayang sagutin,” sabi ni Rita.
“Ako rin Tito Boy,” ani Julie.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.