
Ibinahagi ng award-winning Kapuso broadcast journalist na si Kara David sa kaniyang social media accounts ang isang nakakatuwa at nakakakilig na pagkakataon kung saan nakasama niya para sa isang panayam ang kaniyang iniidolo.
Sa isang post, nakatutuwang nagpa-teaser si Kara tungkol sa kaniyang naging reaksyon at excitement nang ma-meet ang kaniyang kakapanayaming idolo, dahilan upang marami sa kaniyang mga tagasubaybay at netizens ang manghula kung sino ito.
Sa hiwalay na video, kitang-kita ang excitement sa mukha ni Kara sa kaniyang pagpasok sa opisina ng GMA Public Affairs para sa shoot ng kaniyang podcast na I-Listen kung saan tampok ang sikat na Filipino rapper at ang kaniyang idolo na si Gloc-9 bilang guest.
Ayon sa Kapuso journalist, hindi niya mapigilang kabahan dahil idol niya mismo ang kaniyang makakausap.
“Hindi po ako usually kinakabahan sa aking mga interview. Ngayon lang po ako kakabahan sa aking interview,” ani Kara.
“Kinakabahan po ako sa interview kasi ang iinterviewhin ko po ay idol ko. Grabe! Gloc-9!” dagdag pa niya.
Agad naman na kinumusta ni Gloc-9 si Kara at hindi na rin napigilan ng broadcast journalist ang maging isang ganap na fan girl dahil sa tuwa na eksklusibo niyang makakapanayam ang idolo.
“Kinikilig ako!” pabirong tugon ni Kara sa rapper.
Maraming netizens din ang natuwa sa fan girl moment na ito ng Kapuso journalist at marami ang nagpahayag ng kanilang reaksyon sa comments section ng kaniyang post.
“Grabe ang kilig ni Ms. Kara David!” sulat ng isang netizen sa comments.
“Baka Gloc-9 yan, kahit ako kinikilig eh hahaha,” ani ng isa.
“Parang nakuryente si Ms. Kara David nung kinilig,” sabi pa ng isang netizen.
“Nagfa-fan girl ka rin pala Ma'am Kara,” komento ng isa pa.
Mapapanood at mapapakinggan ang exciting na panayam na ito ni Kara David kasama si Gloc-9 soon sa GMA Public Affairs podcast na I-Listen.
Bukod sa masayang pagkakataong ito, patuloy rin ang pagbuhos ng biyaya at pagkilala sa karera ni Kara David.
Kamakailan lamang, muli niyang pinatunayan ang kaniyang kahusayan at dedikasyon sa larangan ng pamamahayag matapos siyang parangalan sa ginanap na FAMAS Broadcast Arts Awards.
RELATED CONTENT: Kara David marks 30 years in the industry with GMA contract renewal