
Ipinahayag ng kilalang Kapuso broadcast journalist at documentarist na si Kara David ang kaniyang taos-pusong pasasalamat kasunod ng pagtanggap ng ilang pangunahing parangal sa nagdaang kauna-unahang FAMAS Broadcast Arts Awards.
Sa kaniyang mga sunod-sunod na posts, hindi maitago kay Kara ang saya at pasasalamat sa mga parangal na natanggap tulad ng parang bilang “Best Host for Public Service” para sa kaniyang programang I-Listen.
Nagkamit din ang GMA Public Affairs podcast niyang ito ng parangal bilang “Best Public Affairs Talk Show.”
Samantala, ang kaniyang dokumentaryo naman sa programang I-Witness na pinamagatang Embalsamador de Motor ay nagkamit naman ng parangal bilang “Best Documentary” sa naturang awards night.
“Waaaaahh! Maraming salamat FAMAS awards for Broadcast Arts. This was totally unexpected. Salamat po sa pagkilala sa aming mga programa,” pahayag ni Kara.
Dagdag pa niya, “Makaaasa po kayo na lalo pa naming paghuhusayan ang aming trabaho. Salamat sa GMA at lalo na sa aking I-Witness at I-Listen teams sa inyong dedikasyon sa trabaho.”
Inialay din ng mamamahayag ang kaniyang mga parangal sa mga Pilipinong patuloy na nagtitiwala at nagbabahagi ng kanilang kuwento.
“Higit sa lahat, salamat po sa lahat ng Pilipinong nagtiwalang magbahagi ng kanilang kuwento. Salamat po sa pagtitiwala. Alay namin ito sa inyo!” ani Kara.
Nagtapos naman ang pahayag niya sa isang pasasalamat sa Maykapal: “At siyempre, salamat po Panginoon.”
Sa isang hiwalay na post, ibinahagi ni Kara kung gaano niya kamahal ang kaniyang trabaho, lalo na sa kaniyang Kapuso podcast na I-Listen, kung saan nakakakilala siya ng mga taong nagbibigay ng inspirasyon at aral sa buhay.
“What I love most about my job on I-Listen is the opportunity to talk to ordinary people with extraordinary lives. At the same time, I also get to interview celebrities and discover the person behind the fame and the spotlight,” kuwento ni Kara.
“Celebrity man o hindi, lahat tayo may kuwentong dapat pakinggan. Kuwento na kapupulutan natin ng aral,” dagdag pa niya.
Muli niyang pinasalamatan ang pamunuan ng naturang award-giving body pati na rin ang mga tagasubaybay na patuloy na sumusuporta sa kaniyang mga programa.
“Maraming salamat FAMAS awards for Broadcast Arts sa pagkilala sa aming munting programa. Higit sa lahat, salamat sa mga taong nagbahagi ng kanilang kuwento. Salamat sa pagtitiwala,” aniya.
Related Gallery: Kara David revisits Sitio Malipano to extend help through Project Malasakit