
Nagpapasalamat ang aktor na si Dominic Ochoa sa tagumpay na tinatamasa ng seryeng kanyang kinabibilangan na napapanood sa GMA Afternoon Prime, ang Abot-Kamay Na Pangarap.
Bukod sa masaya si Dominic sa suportang nakukuha ng serye mula sa mga manonood na ibinahagi niya sa isang panayam, nagpahapyaw rin sa mga dapat abangan sa kanyang karakter at sa susunod na episodes ng programa.
Kuwento niya, “For Michael, I'll be coming back. Kasi basically, nung naghiwalay kami ni Lyneth (Carmina Villarroel), nag lie low muna ako sa panliligaw sa kanya but eventually, I'll be coming back.”
Ayon pa sa aktor, dapat abangan ng mga manonood ang mga susunod na tagpo sa serye na ayon sa kanya ay nakakalungkot daw na nakaka-excite.
“Marami kasing mangyayari, nabasa ko na 'yung [script] ng week 30. Nakakalungkot na nakaka-excite… Maganda 'yung mga mangyayari pero hindi ko pwedeng sabihin eh. Kaabang-abang talaga and the script is getting more exciting,” pahayag niya.
Ibinahagi pa niya na matitindi ang mga eksenang matutunghayan ng mga manonood sa mga susunod na linggo.
Pagbabahagi ng aktor, “Kapag minsan may binabasa tayong steady 'tong linggong ito. Ito mapapakapit po kayo, itong weeks 29 and 30. Siguro nakaangat ang mga puwet ninyo sa upuan kapag pinanood ninyo ito. 'Yun lang ang sasabihin ko muna sa ngayon, mayroong mga good news pa…”
Samantala, napapanood si Dominic sa serye bilang si Michael Lobrin, ang lalaking umiibig kay Lyneth (Carmina Villarroel) na tumatayo rin bilang pangalawang ama ng batang doktor na si Dra. Analyn (Jillian Ward).
Abangan kung ano ang susunod na mangyayari sa karakter ni Dominic bilang si Michael sa naturang hit GMA medical drama series.
Patuloy na tumutok sa Abot-Kamay Na Pangarap, mapapanood tuwing Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
Maaari ring mapanood ang programa online via Kapuso Stream.
Maaaring balikan ang iba pang episodes ng serye rito:
KILALANIN ANG ASAWA NI DOMINIC OCHOA SA GALLERY SA IBABA: