
Ipinagdiriwang ni Amy Perez ang kanyang kaarawan ngayong Huwebes (September 5) sa It's Showtime.
Isang heartfelt song performance ang hatid ng seasoned host sa naturang noontime variety show, kung saan binigyan siya ng roses at nakasayaw ang kapwa hosts na sina Vhong Navarro, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ryan Bang, Darren Espanto, at Ogie Alcasid.
Bukod dito, nagbigay rin ng mensahe ang ilang hosts para kay Amy at isa na rito si Karylle. Ayon sa actress-host, kay Amy siya humugot ng lakas sa kabila ng kanyang mga pinagdaanan kamakailan.
“To my roomie, my real Tita Amy kasi nga magkapatid ang kanyang papa at aking lola na nasa Las Vegas. Maraming salamat. Hindi siguro alam ng lahat pero ang dami kong pinagdaanan recently and Tita Amy was completely there for me and, I think, sa 'yo talaga ako humugot ng lakas. Napakahirap,” pagbabahagi niya.
Ayon kay Karylle, nalaman niya ang isang bad news habang nasa taping ang It's Showtime at si Amy ang kanyang nalapitan tungkol dito. Hindi rin napigilan ng theater actress na maging emosyonal habang nagpapasalamat sa birthday celebrator.
Patuloy niya, “I found out my bad news here in Showtime and I knew exactly who to tell kasi hindi ko rin gustong sirain 'yung taping kasi kailangan nating magpasaya ng madlang people. Pero salamat, knowing that you're there for me everyday. Katulad nung pagkanta mo ng 'Jesus, Thank You,' naituro mo kay Seyah 'yung gratitude.
“Palagi lang tayo nagiging magpagpasalamat sa Panginoon at sa bawat isang nandito sa atin. Dahil sa tinuro mong 'yan, thank you, I will always be grateful. You do so much for all of us here, mula sa gusto mong smooth na smooth ang show everyday. You really have given us so much love in your very small but many ways.
“Bawat araw, ang dami mong ginagawa para sa amin. Kung merong may maliit na problema, alam nating may kakatok sa dressing room natin dahil ikaw ang talagang takbuhan namin sa bawat problema. So thank you. I don't even know how na-survive ko 'tong buwan na 'to pero largely because of you.”
Labis din ang pasasalamat ni Tyang Amy sa lahat ng kanyang co-hosts at binigyan pa siya ng group hug ng It's Showtime family.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.