
Mahirap pero kailangan umano kayanin ni Mommy Dearest star Katrina Halili nang malaman niyang may mild autism ang anak niya kay Kris Lawrence na si Katie.
Kuwento ni Katrina Halili sa pagbisita niya sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, February 24, three years old pa lang si Katie nang mapansin niyang wala itong eye contact sa ibang tao. Aniya, isa ito sa mga sintomas ng mild autism kaya naman, minabuti niyang ipa-check up ito.
“Sabi ng doctor niya, ipa-check ko daw kasi walang eye contact kasi 'yun 'yung mga symptoms niya e. Ta's 'yun nga, na-diagnose na po siya na meron,” sabi ni Katrina.
Ngunit imbis na matakot, mas pinagtuunan umano ng aktres kung papaano gagamutin at tutulungan ang kaniyang anak sa kondisyon nito. Pag-amin ni Katrina, kung ang iba ay galit at hindi matanggap ang nasabing kondisyon sa kanilang mga anak, mas pinili niyang harapin ito agad.
“May ganu'n e. May mga naririnig po akong ganu'n, ayaw [tanggapin]. Pero ako, siyempre sinunod ko kung ano 'yung mga kailangan niya, therapy, ganyan,” sabi ng aktres.
RELATED CONTENT: Meet Katrina Halili's mini me, Katie Lawrence
Aminadong na-challenge si Katrina sa naging kondisyon ng anak niya ngunit sa huli, kinailangan niyang tanggapin ito. Sa ngayon, masasabi niyang “sobrang okay” na si Katie.
“Okay na siya kasama, masarap siya kasama, masarap siya kausap, sobrang sweet. Ganu'n siguro po talaga 'pag umpisa. Ako, lagi naman ako nandiyaan for her kung ano 'yung mga kailangan niya. Plus 'yung Mama ko, nandiyaan din, tinutulungan din ako. Kung ako lang, ang hirap,” sabi ng aktres.
Proud din si Katrina sa ginagawa ngayon ni Katie na pag-perform at pagkanta sa mga mall show.
“Sobrang proud ako sa kaniya at saka happy ako, Tito Boy, kasi 'yung mga gaya ni Katie, dapat may outlet sila. So happy ako na meron siyang ibang ginagawa. Like mahilig siya sa music, mahilig siyang kumanta. Sobrang proud ako,” sabi ng aktres.
Nang tanungin naman siya kung involved ang ama ni Katie na si Kris Lawrence, ang sagot ni Katrina, “Okay naman po, nagkikita naman po sila minsan.”
RELATED CONTENT: IN PHOTOS: Michelle Dee as Autism Society Philippines's Goodwill Ambassador