
On the road na to recovery na raw ang Black Rider at Mommy Dearest actress na si Katrina Halili mula sa pagpanaw ng kaniyang boyfriend na si Jeremy Guiab. Ani ng aktres, naging malaking tulong ang kaniyang anak na si Katie at kabi-kabilang trabaho para unti-unti siyang makapag-move on.
Ngunit sinabi rin ni Katrina kay Cata Tibayan sa “Chika Minute” para sa 24 Oras na halos araw-araw pa rin siyang naiiyak tuwing naaalala si Jeremy.
“Araw-araw, bigla na lang siyang tutulo, ganun. Pero buti na lang busy ako, 'yung family ko, andiyan to support me. May work naman ako, may mga kaibigan ako, medyo nalilibang-libang pero hindi naman mawawala, iiyak pa rin [ako] talaga,” sabi ng aktres.
Ayon pa kay Katrina ay mahirap mag-move on dahil marami silang masasayang alaala nina Jeremy at Katie.
“Three years kami halos magkasama palagi, hindi kami naghihiwalay. Sobrang ok 'yung relationship namin e, para kaming magkaibigan din, bestfriends, ganun,” sabi niya.
Dagdag pa ng aktres, “Meron din tumutulong sa'kin with Katie, sinasaway niya 'yung mga ugali kong hindi maganda. Happy ako, para akong may bestfriend so ang hirap nung nawala.”
RELATED FEATURE: KATRINA HALILI INAMIN ANG TOTOONG ESTADO NG KANIYANG LOVELIFE
Para gumaan ang kanyang nararamdaman, meron daw hiniling si Katrina kay Katie, “Pwede ba, Katie pag sinabi ni mama na namimiss ko si Tito Jeremy pwede mo ba i-hug ako? Ta's sabihin mo nandito lang ako mama? Ta's ginawa niya, ta's dinugtungan pa niya, sabi niya 'Andito lang ako mama forever, I love you.'”
Naging malaking tulong din daw ang sunod-sunod na trabaho ni Katrina dahil bukod sa action drama series na Black Rider, bibida rin si Katrina sa upcoming Afternoon Prime drama na Mommy Dearest, at sa episode ng Magpakailanman kasama sina Mike Tan at Pancho Magno na mapapanood ngayong Sabado.