
Sa isang eksklusibong panayam sa Fast Talk with Boy Abunda, sinagot ng You're My Favorite Song star na si Katya Santos ang katanungan kung posible nga bang magsama-sama ulit sa iisang entablado ang dati niyang grupo, ang Viva Hot Babes.
Sa episode noong Biyernes, June 26, binanggit ng King of Talk na si Tito Boy kay Katya ang tungkol sa naging matagumpay na reunion concert ng grupong SexBomb Girls kamakailan.
Kasunod nito, agad niyang tinanong ang aktres kung may posibilidad din ba na magkaroon ng reunion ang Viva Hot Babes.
Pabiro namang sumagot si Katya at sinabing, “Gusto n'yo ba?”
Sinundan niya ito ng paliwanag na bagamat maraming beses na niyang sinagot ng “hindi” ang katanungang ito, ibinahagi niyang ipinatawag sila kamakailan ng Viva Entertainment executive na si Vic del Rosario.
Ayon kay Katya, ipinahayag ni Boss Vic ang kagustuhan nitong muling pagbuklurin ang kanilang grupo.
Ani pa ng aktres, nananatili itong plano sa ngayon at wala pang tiyak na detalye kung matutuloy.
Gayunpaman, nangako siya na agad nilang iaanunsyo sa publiko kung sakaling magkatotoo ang pinaplanong reunion concert ng Viva Hot Babes.
“Kasi, actually, Tito Boy, l've said so many times nga na wala. Pero recently, pinatawag kami ni Boss Vic [Del Rosario]. Sinabi niya sa amin na gusto niyang mag-reunion kami. So, sa ngayon, 'yun pa lang po ang alam namin na gusto niya,” kuwento ni Katya.
“Kung kailan, kung mangyayari ba siya, siguro po ia-announce namin kung talagang may magaganap this year, or maybe next year. Pero gusto niya [Boss Vic] po talaga,” dugtong pa niya.
Sa kabila ng magandang balita, inamin ni Katya na nakararamdam sila ng pressure dahil sa posibleng pagkumpara sa kanila sa SexBomb Girls, na itinuturing din naman nilang mga kaibigan.
“Siyempre, kinakabahan kami. Napi-pressure kami because, of course, nako-compare [kami sa] SexBomb. And by the way, kaibigan po namin sila. So, excited din naman kami sa thought na magka-reunion kami,” sabi ng aktres.
Si Katya ay isa sa mga orihinal at pinakasikat na miyembro ng tanyag na girl group noong 2000 na Viva Hot Babes.
Kasama niya sa grupong ito ang ilan pa sa mga kilalang personalidad tulad nina Maui Taylor, Andrea del Rosario, Jaycee Parker, at Sheree Bautista.
Patuloy na subaybayan sina Katya bilang si Mama Bebe sa You're My Favorite Song, tuwing Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m., pagkatapos ng Kamao sa GMA Afternoon Prime!
Related Gallery: Katya Santos at James Blanco, inamin ang labis na pag-aalala bilang mga magulang; ibinahagi ang kanilang mindset bilang mga 'kuwarentahin'