
Pinapanood ng batikang TV host na si Boy Abunda sa singer-actor na si Kean Cipriano at misis nitong si Chynna Ortaleza ang file video ng naging audition ng una sa reality talent search ng GMA na StarStruck nang bumisita sila sa programang Fast Talk with Boy Abunda.
Matapos ito ay ibinahagi ni Kean ang dahilan ng kaniyang pag-back out sa kompetisyon kahit pa pasok na siya noon sa final 14.
Kuwento niya, “'Yung time na 'yan 'yung nanay ko gusto akong mag-artista. 'Yung video na 'yan magkaaway kami niyan ng nanay ko dahil ayaw ko. Hindi ko siya talagang gustong gawin.”
Ayon kay Kean, pinili niyang umalis noon sa season 3 ng StarStruck dahil nais niyang i-pursue ang pagiging musikero at pagbabanda.
Aniya, “Kasi mas gusto ko na i-pursue 'yung music. Mas parang gusto ko nang sumugal at tumalon sa pagbabanda, pagsusulat ng kanta, mas gusto ko na 'yun.”
Paliwanag pa niya sa naging pag-alis sa show, “Hindi ko rin siya magagawa ng tama kasi hindi ako masaya.”
Hindi rin naman nabigo si Kean sa kaniyang naging desisyon dahil natupad niya ang pangarap na maging sikat na singer at naging aktor din sa ilang mga pelikula at teleserye gaya ng gusto sa kaniya ng ina.
“Eventually nasabi ko rin sa mommy ko na, 'Tignan mo mommy, sinunod ko 'yung tingin kong gusto ko tapos naging aktor din ako, naging direktor din ako, napuntahan ko rin 'yung gusto mong mangyari,” ani Kean.
Dagdag pa niya, “Kinailangan ko rin sundin 'yung gut ko nang time na 'yun kasi alam kong hindi ko siya magagawa ng tama.”
Sa ngayon isa na ring manager si Kean ng ilang music artists sa bansa katuwang ang kaniyang asawa at dating aktres na si Chynna.
SILIPIN ANG MASAYANG PAMILYA NINA KEAN AT CHYNNA DITO:
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms