
Kaagad na humingi ng dispensa si Kelvin Miranda matapos na maging isyu ang pagnguya niya ng chewing gum habang nasa premiere night ng kanyang pelikulang After All noong Lunes, February 26 sa SM Megamall.
Hindi naiwasang makatanggap ng aktor ng ilang pagpuna mula sa netizens matapos na mapansin ang pagnguya nito ng chewing gum habang nasa nasabing event.
Sa inilabas na statement ngayong Huwebes (February 29), nilinaw ng aktor na wala siyang gustong bastusin o tapakan na moral sa ginawa niyang ito.
Paliwanag ng aktor, "Sa akin lang ay bago pa po sa akin ang pakiramdam ng lahat. [Hindi] ko alam paano i-handle ang emosyon at lahat ng pangyayari. Idinaan ko na lang sa pag-che-chewing gum. Pero 'wag kayo mag aalala humihingi ako ng pasensya sa lahat at hindi na mauulit. Naging coping mechanism ko siya which is not good."
Ayon pa sa aktor, naging daan niya lamang ang pagnguya ng chewing gum para mabawasan ang kabang nararamdaman.
"Hindi ko siya ginagawa para magmukhang gwapo or pagpapagwapo. Sadyang doon ko binubuhos ang panginginig ng katawan ko dahil sa dala ng nerbiyos. Hirap ako i-manage ang nararamdaman ko nu'ng mga oras na iyon," sabi niya.
Muli ring humingi ng pasensya si Kelvin para sa lahat ng mga nakapuna. "Salamat sa pagpuna nito. [Gagawin] kong aral at hindi na [masusundan] pa ng ibang pagkakataon."
Samantala, bukod sa pelikulang After All kung saan muli niyang nakatambal si Beauty Gonzales, abala na rin ngayon ang aktor para sa big role sa Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Sa continuation ng iconic telefantasya ng ito ng GMA, bibida si Kelvin bilang Adamus, ang bagong tagapangalaga ng Brilyante ng Tubig.
TINGNAN ANG ILANG PASILIP SA 'AFTER ALL' NINA KELVIN MIRANDA AT BEAUTY GONZALES DITO: