
Matapos ang Encantadia Chronicles: Sang'gre, muling magkakasama ang Kapuso stars na sina Kelvin Miranda at Angel Guardian sa isang proyekto sa labas ng telebisyon.
Ayon sa ulat ng entertainment website na CinemaBravo, magtatambal ang dalawa sa pelikulang Sa Tamang Oras at Panahon.
Nagbahagi rin si Kelvin ng ilang larawan sa kanyang social media account kasama si Angel, ang direktor na si Neil “Buboy” Tan, at ang producer na si Jojo Matias.
Isang advocacy film ang naturang pelikula na naglalayong bigyang-diin ang kahalagahan ng katapatan, integridad, responsableng pagdedesisyon, at paggalang sa kapwa.
Ipapalabas ito sa pamamagitan ng mga school screening upang magkaroon ng makabuluhang talakayan sa pagitan ng mga estudyante, guro, at mga magulang tungkol sa epekto ng katapatan sa pamilya, pakikipagkaibigan, at sa paggawa ng mahahalagang desisyon sa buhay.
“More than entertainment, Sa Tamang Oras at Panahon hopes to inspire students to recognize that their choices matter and that honesty, respect, and integrity are values that can guide them toward better relationships and a better future," ayon sa pahayag ng ulat.
Dagdag pa rito, layunin ng pelikula na maging isang makabuluhang karanasan sa komunidad ng paaralan upang hikayatin ang kabataan na piliin ang katotohanan kahit sa gitna ng pagsubok.
Hindi naman maipagkaila ang pananabik ng kanilang mga tagahanga at GelVin shippers sa bagong tambalang ito. Marami sa kanila ang nag-iwan ng suporta sa comments section.
“Abangan ko talaga tong movie na to,” ani ng isang fan.
“Magandang pagsamahin sa love team ito lakas ng chemistry,” sulat sa comments section ng isa pa.
“#GelVin excited for this show,” komento pa ng isang fan.
Bago ang pelikulang ito, nagkasama sina Kelvin at Angel sa spin-off ng hit Kapuso superserye ang Encantadia Chronicles: Sang'gre, bilang sina Sang'gre Adamus at Sang'gre Deia.
Matatandaan din na unang nagtambal ang dalawa bilang mga pangunahing bida sa pelikulang D'Ninang noong 2020 at sa digital series ng GMA Network na One Hugot Away: Beauty and the Hypebeast noong 2019.
Related Gallery: Meet Angel Guardian and Kelvin Miranda, the new Kapuso love team to look forward to this 2019