
Maraming madlang Kapuso ang kinilig sa sweetness nina Kelvin Miranda at Kira Balinger sa pagbisita nila sa noontime program na It's Showtime.
Nitong Lunes (May 20), inumpisahan kaagad ng dalawang stars ang programa na may halong kilig sa kanilang special number. Mas lalong kinilig ang audience nang bumati sina Kelvin at Kira nang magka-holding hands.
Para sa Kapamilya actress, labis ang tuwa niya makabisita ulit sa kanyang It's Showtime family at makapag-perform kasama si Kelvin.
Aniya, "Grabe iba yung stage fright ko kanina pero instantly nawala po noong nakita ko ang energy ng madlang people at syempre nakita ko po ulit kayo ang aking It's Showtime family."
Masaya rin si Kelvin na makabalik at makapaghandog ng harana sa mga manonood ng programa.
"Masaya ako [at] nakabalik ako ulit dito at nakapag-perform. Last time bumati lang kami pero ngayon iba na [dahil] may kasama na, with Kira Balinger so iba 'yung feeling," sabi ni Kelvin.
Nakisaya rin ang dalawang stars sa "Showing Bulilit," kung saan maraming natuwa at kinilig kay Kelvin. Nang biniro kasi nila Vice Ganda na gusto ni MC ang crop top jacket ni Kelvin, game na game na tinanggal ito ng Kapuso star at isinuot sa host. Maliban sa pagiging gentleman ni Kelvin, marami rin ang kinilig nang makita nila ang fit na pangangatawan ng Kapuso actor.
Nakatakdang ipalabas nationwide sa darating na May 29 ang pelikula ng dalawa na may pamagat na Chances are, You and I. Bukod dito, mapapanood din ang nasabing pelikula bilang opening film sa International Film Festival sa Japan.
Samantala, subaybayan ang It's Showtime Lunes hanggang Sabado sa oras na 12 noon sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
RELATED CONTENT: Kapuso stars na bumisita at nakisaya sa 'It's Showtime'