
Puno ng pasasalamat ang Kapuso actor at leading man ng The Lost Recipe na si Kelvin Miranda sa bagong pagkilala na kanyang natanggap ngayong 2021.
Ngayong Marso ay kinilala si Kelvin bilang Philippines' Fast Emerging Actor of the Millennium ng 4th Asia Pacific Luminare Awards. Ayon sa website ng Asia Pacific Luminare Awards, sila ay kumikilala ng achievements at contributions ng iba't ibang mga personalidad.
Photo source: @iamkelvinmiranda (Instagram)
"Asia Pacific LUMINARE Awards and Asia's Top Luminary Awards would like to honor and recognize them for their contribution and accomplishments. It is essential that we learn from their experiences and encourage them to continue in what they are doing and even support their growth so that they can be more and do more."
Sa mensaheng ipinadala ni Kelvin sa GMANetwork.com ay ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa mga taong naniniwala sa kanyang ginagawang mga proyekto at kanyang kakayahan sa pag-arte.
"Masaya po ako na may nakakakilala at nakakaramdam ng effort ko para sa craft ko. Lubos na nagpapasalamat po ako sa mga taong nagtiwala at pumili sa akin sa kinalalagyan ko at sa titulong ibinigay nila sa akin."
Nagbahagi rin si Kelvin ng kanyang naramdaman nang matanggap niya ang award na Philippines' Fast Emerging Actor of the Millennium.
"Ang masasabi ko po ay hindi naman po mangyayari ang lahat ng nangyari sa akin kung hindi po ako pinaniwalaan ng mga taong nasa likod at harap ng kamera."
Nagpasalamat naman ang aktor sa mga sumusuporta sa kanyang career.
Saad niya, "Sa mga tagahanga na sumuporta sa akin mula pa noong simula, buong puso akong nagpapasalamat at itatago sa puso't isip ko ang dulot ng suporta ninyo sa akin. Araw araw ko kayong minamahal at susuportahan sa mga bagay na kaya kong ialay."
Bukod sa parangal na tinanggap ni Kelvin mula sa 4th Asia Pacific Luminare Awards, natanggap rin ni Kelvin ngayong 2021 ang Best Young Actor sa 7th Urduja Heritage Film Awards para sa pelikulang Dead Kids.
Congratulations, Kelvin!
Tingnan ang mga larawan ni Kelvin Miranda mula sa mga photo shoots para sa iba't ibang magazine covers.