
Malapit nang mapanood ang pinakabagong solo project ng Kapuso actor na si Ken Chan! ()
Sa red-carpet premiere at press conference ng upcoming drama film na Papa Mascot,na ginanap kahapon, April 17 sa SM Megamall Cinema 2, ibinahagi ng Sparkle star ang challenges na kanyang hinarap habang binubuo ang naturang pelikula.
Ayon kay Ken, hindi naging madali para sa kanya ang pagsusuot ng mascot costume.
“Ang hirap, ang hirap pala. Ang init. Actually, yung pawis ko po doon, totoong pawis po 'yun yung paghubad ko nung mascot head. Siguro mga one minute, talagang ganun na yung pawis ko,” paliwanag niya.
Binanggit din ni Ken kung gaano siya lubos na humahanga sa mga mascot performers sa tunay na buhay.
“Saludo ako sa mga taong ang trabaho po ay magsuot ng mascot po. Hindi po biro talaga ang ginagawa po nila at biruin niyo po, ako po, isang minuto o dalawang minuto, hapong-hapo na po ako. Eh sila po, kalahating oras kailangan nilang magperform at sumasayaw pa,” saad niya.
Pagdating naman sa pag-arte ay nahirapan umano si Ken na ibigay kung ano ang hinihingi ng kanilang direktor na si Louie Ignacio.
Aniya, “Ang pinakaunang requirement na hiningi ni Direk Louie sa akin ay yung acting ko na kailangan from level 5 ay nandun ako sa gitna ng level 1 at 2. At hindi na pwedeng lumagpas sa level 2 dahil every eksena talaga, talagang inaalagaan ako ni direk, sinasabi niya, 'Anak, ulitin natin kasi nag level 3 ka dun.'
Dagdag pa niya “Bilang aktor also, ang hirap umarte doon sa level 1. Isa po 'yan sa pinaknahirapan ako. Kasi ngayon ko narealize na mas Madali pa lang umarte doon sa level 5 pero para ipakita mo yung tamang emosyon at nandoon ka lang sa level 1 at 2, isa iyon sa pinakamahirap gawin po.”
Gagampanan ni Ken Chan sa naturang proyekto ang karakter ni Nico, isang lalaking nagpaka-ama sa kanyang hindi tunay na anak.
Samantala, mapapanood ang Papa Mascot sa mga sinehan sa bansa simula April 26.
SILIPIN ANG CAREER ACCOMPLISHMENTS NI KEN CHAN SA GALLERY NA ITO: