
Sa teaser pa lang ng The Secrets of Hotel 88, ramdam na ang tensyon sa komprontasyon sa pagitan ng mga karakter ng serye. Pagbibidahan ito ng mga dating housemates mula sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Nasa naturang eksena sina Mika Salamanca, Josh Ford, River Joseph, at Bianca de Vera, na gaganap bilang Almazan siblings. Kaeksena naman nila ang Fernandez Brothers na sina Brent Manalo, Ralph de Leon, at Will Ashley.
Sa panayam nila kay Aubrey Carampel para sa 24 Oras nitong Martes, February 10, ibinahagi nila ang mga sikreto sa likod ng kanilang mga karakter. Si Luna, ang gagampanan ni Mika, very complex daw ayon sa aktres.
"Ang dami niyang pinaglalaban talaga and may part dito na minsan siguro, hindi maintindihan kung saan siya nanggagaling. Pero kasi, dahil nga sa mga past na trauma niya... Kumbaga, the more na papanoorin mo 'yung series, the more na mas maiintindihan mo kung saan siya talaga nanggagaling, kung bakit siya galit na galit," sabi ni Mika.
Bagong-bago naman umano para kay Josh ang role niya na si Justin, na very black sheep ngunit protective sa kaniyang mga kapatid.
"I want to understand Justin's character muna talaga. Kung bakit ba siya ganu'n, kung bakit siya basagulero," sabi ni Josh.
TINGNAN ANG PAGNINGNING NG CAST NG 'THE SECRETS OF HOTEL 88' SA KANILANG RED CARPET MEDIA CON SA GALLERY NA ITO:
Challenging din umano para kay River na gampanan ang panganay na si Leon, lalo na at siya ang bunso sa totoong buhay.
"Dito, naman, ako 'yung kuya so medyo I had to learn din kung paano ba maging isang kuya," sabi ni River.
Daddy's girl at bunso na si Jade ay gagampanan ni Bianca. Paglalarawan ng aktres sa kaniyang karakter, "In a way, medyo sheltered bunso siya."
Ngunit ayon kay Bianca, hindi ibig sabihin nito ay mapipigilan na si Jade na makuha ang kung ano mang gusto niya.
"Kunwari, gusto niya 'yung hustisya, she'll really go out of her way to do that in her own ways," pagbabahagi ni Bianca.
Dahil nakilala a ang totoong sila sa loob ng bahay ni Kuya bilang ang kanilang mga sarili, excited na sila ngayon na makilala naman ang mga karakter na kanilang gagampanan sa The Secrets of Hotel 88.
Abangan ang multi-genre story na puno ng sikreto at misteryo, ang The Secrets of Hotel 88, ngayong March 2 na, sa GMA Prime.