
Lubos ang pasasalamat ng actress-host na si Kim Chiu ngayong pormal nang may kasunduan ang popular noontime show na It's Showtime at ang second free-to-air channel ng GMA na GTV.
Naganap ang grand contract signing event ng It's Showtime at GTV noong June 28 sa Seda Hotel, Vertis North sa Quezon City.
PHOTO COURTESY: Gerlyn Mae Mariano
Sa naturang event, nagpasalamat si Kim sa lahat ng bumubuo sa GTV dahil dito na mapapanood ang long-running noontime show ng ABS-CBN.
“Gusto ko pong magpasalamat sa lahat ng bumubuo ng GTV sa GMA na pinatuloy n'yo po ang aming show na naghahatid ng saya sa madlang people,” ani ng aktres.
Sa panayam naman ng GMANetwork.com kay Kim, ibinahagi ng aktres na “very happy at blessed” sila ng kanyang mga kasamahan sa programa nang malamang magiging bagong tahanan ng It's Showtime ang GTV.
Aniya, “Una, hindi kami makapaniwala na, 'Totoo ba? Nandoon na tayo?' Totoo naman daw and we're just very happy and very blessed na nagsarado man 'yung isang pinto para sa amin, there's another door na tumanggap sa It's Showtime, and walang sumusuko para sa It's Showtime.”
Masaya at grateful din si Kim sa mainit na pagtanggap ng mga Kapuso sa It's Showtime.
“Sobra kaming happy and we're very thankful and we're just going to do our best talaga para mas dumami pa 'yung makapanood ng [It's] Showtime,” saad niya.
Bukod kay Kim, present din sa naganap na grand contract signing event sina Anne Curtis, Vice Ganda, Ogie Alcasid, Jhong Hilario, Teddy Corpuz, Jugs Jugueta, Ryan Bang, Amy Perez, Ion Perez, MC, Lassy, Jackie Gonzaga, at Cianne Dominguez.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GTV.
SAMANTALA, BALIKAN ANG HIGHLIGHTS SA NAGANAP NA CONTRACT SIGNING NG IT'S SHOWTIME AT GTV SA GALLERY NA ITO.