
Mapapasabak sa isang daring na role si Sparkle actor Kimson Tan sa Lovers/Liars, ang pinakabagong collaboration series ng GMA Network at Regal Entertainment.
Sa interview ng GMANetwork.com, ibinahagi ng aktor ang reaksyon sa bagong role na gagampanan sa Lovers/Liars.
"Actually, nagulat ako," sabi ni Kimson. "At the same time excited ako kasi bagong challenge ito, bagong role na gagawin ko. Bagong karakter na bubuuin ko 'yung istorya. And challenging s'ya, syempre, ang dami kong dark secrets dito sa karakter ko rito."
Ayon kay Kimson, ito ang unang serye na masasabi niyang "talagang daring" ang kanyang ginagawa.
Photo by: kimsontann (IG)
Sa Lovers/Liars, makikilala si Kimson bilang Kelvin Chong, arogante at iniisip lamang ang sarili. Wala sa isip niya ang pagkakaroon ng seryosong relasyon hanggang sa makikilala niya si Hannah, na gagampanan ni Lianne Valentin.
Masaya si Kimson na makatrabaho sa isang serye si Lianne dahil, aniya, alam niya kung gaano ito kahusay na aktres.
Looking forward din si Kimson na makatrabaho sa Lovers/Liars ang Optimum Star na si Claudine Barretto at ang iba pang mga bibida sa serye na sina Shaira Diaz, Yasser Marta, Rob Gomez, Michelle Vito, Sarah Edwards, Polo Ravales, at Christian Vasquez.
Panoorin si Kimson Tan sa Lovers/Liars, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad.
TINGNAN ANG NAGANAP NA MEDIA CONFERENCE NG LOVERS/LIARS SA GALLERY NA ITO: