
Matapos ang pitong taon, balik-teleserye si Claudine Barretto sa pinakabagong collaboration series ng GMA Network at Regal Entertainment na Lovers/Liars.
Sa naganap na media conference ng Lovers/Liars noong Miyerkules (November 15), ibinahagi ng batikang aktres kung bakit nga ba perfect ang Lovers/Liars sa kanyang pagbabalik.
"[Marami] na pong dumaan na scripts and offers sa akin pero nu'ng sinabi sa akin 'yung plot, in-explain sa akin ni Ms. Noreen [Capili], parang naisip ko iba naman siya sa lahat ng mga teleserye na ginagawa ko," sabi ni Claudine.
Dagdag niya, "Kasi po ever since talaga ang forte ko teleserye. So it has to be kung ano 'yung range ko, kung ano 'yung mga pinagdadaanan ng mga babae na ka-age ko, 'yun 'yung gusto kong gawin ngayon, 'yung mga roles.
"Ibang-iba siya kasi matapang at saka maraming mga sikreto na hindi mo makikita sa regular talaga na teleserye. Like what they said kanina, iba na ang gusto ng audience ngayon. Iba 'yung gusto nilang makita.
"Ibang-iba siya sa mga ginawa ko. And ang mapa-promise ko lang talaga is that I'll be able to... siguro sa seven years na hindi ako gumawa ng teleserye, siguro 101 percent if not a million percent ang ibibigay ko rito."
Sa Lovers/Liars, makikilala si Claudine bilang Via Laurente, CEO ng isang malaking real estate company na magkakaroon ng relasyon sa batang arkitekto ng kanyang kompanya na si Caloy Marasigan, na gagampanan ni Yasser Marta.
Makakasama rin ni Claudine na bibida sa Lovers/Liars sina Shaira Diaz, Rob Gomez, Kimson Tan, Michelle Vito, Sarah Edwards, Polo Ravales, Christian Vazquez, at Lianne Valentin.
Abangan ang matapang na pagbabalik ni Claudine sa Lovers/Liars simula November 20, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad.
TINGNAN ANG NAGANAP NA MEDIA CONFERENCE NG LOVERS/LIARS SA GALLERY NA ITO: