
Masayang ibinahagi ni Boy Abunda ang crossover ng Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime series na Born to Shine.
Sa Fast Talk with Boy Abunda noong Biyernes, ipinarating ng King of Talk na magkakaroon siya ng cameo role sa Born to Shine kung saan ini-interview niya ang karakter ni Zephanie na si Jeni tungkol sa mga kontrobersiyang kinakaharap nito.
"And in that interview may special announcement po si Jeni Sicat na sigurado po akong ikagugulat po ninyo," sabi ni Boy Abunda.
Ipinarating din ng batikang host ang experience niya sa nasabing serye.
"Ang naramdaman ko po ay... alam n'yo po when you take on a role, parang mano-nominate po talaga ako. Intense po kasi 'yung aming palitan ng linya.
"Panoorin n'yo po 'yung pagbibitaw ko po ng 'Bakit?' Abangan n'yo po ang eksena namin ni Zephanie sa Born to Shine ngayong Lunes, August 10, 2:30 po ng hapon pagkatapos ng It's Showtime," dagdag niya.
Sa report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras, kinuhanan ang interview ni Boy Abunda kay Jeni (Zephanie) sa mismong set ng Fast Talk with Boy Abunda.
Medyo nanibago raw si Boy Abunda, maging si Zephanie nang maupo sa hot seat.
"Nakakatuwa. There was a moment in the interview na muntik kong masabing, 'Alam mo, Zeph,'" natatawang kuwento ni Boy Abunda. "Napigilan ko ang aking sarili. It's fun."
Sabi naman ni Zephanie, "Actually, medyo weird po sa feeling na gawin 'to dito sa Fast Talk kasi 'pag nandito ka sa Fast Talk parang automatic gusto mong magpakatotoo, gusto mong maging Zephanie. Pero hindi po ako si Zephanie ngayon. Ako po si Jeni ngayon."
Inamin din ni Boy Abunda na nanonood siya ng Born to Shine.
"I love watching Born to Shine kaya napaka angkop nitong aming guesting dito sa palabas. Abangan n'yo po, masaya po 'yung ating paglabas sa Born to Shine."
Samantala, noong July ay nauna nang nagkaroon ng crossover ang Kamao characters nina Anton Vinzon at Therese Malvar sa Born to Shine kung saan na-meet nila ang P-pop girl group na YUMI.