
Sa pagbisita ng komedyanteng si Kiray Celis sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, March 12, sinagot niya ang tanong kung engaged na nga ba sila ni Stephan Estopia. Mariing "NO" ang sagot ng aktres, at sinabing si King of Talk Boy Abunda ang unang makakaalam kung sakaling totoo man ito.
Ngunit pag-amin ni Kiray, “Pero kasi Tito Boy, actually, sobra ko siyang pine-pressure. Sabi ko, 'Gusto ko ganitong singsing, dapat gan'to kamahal.' Pero kasi, feeling ko, reason ko lang 'yun.”
Saad ng aktres, laging sinasabi sa kaniya ni Stephan na handa na itong magpakasal sa kaniya. Pag-alala naman ni Boy, kahit noong umpisa pa lang ng kanilang relasyon ay pinapahayag na ni Stephan ang intensyon nitong pakasalan ang aktres.
“Nu'ng una, inisip ko mama ko, pero ngayon, ako pala talaga 'yung hindi ready. Parang late bloomer ako, Tito Boy. Ngayon ko pa lang nafi-feel, feel ko parang ngayon pa lang ako nagdadalaga,” pag-amin ni Kiray.
TINGNAN ANG ILAN SA SWEETEST COUPLE MOMENTS NINA KIRAY AT STEPHAN SA GALLERY NA ITO:
Sa isang panayam, ikinuwento ni Kiray na matagal na silang magkakilala ni Stephan dahil matalik itong kaibigan ng kaniyang kapatid. Ngunit aniya, tuwing nagkikita sila ay “deadma” lang siya dito.
“Alam mo 'yung 'pag nagkita, wala lang. Hindi siya nag-e-exist sa akin, hindi rin ako nag-e-exist sa kanya kasi hindi siya gaano mahilig sa artista,” pagbabahagi ni Kiray.
Kwento pa ng aktres ay sabay silang may three-year relationship noon. Ngunit matapos maglaro at matalo sa isang mobile game, nalaman nilang hiwalay na sila sa kani-kanilang mga karelasyon.
Ani Kiray, “Doon nagsimula 'yon.”
Noong December 2024 ay pinagdiwang na nina Kiray at Stephan ang kanilang ika-limang anibersaryo. Sa short but sweet message ni Kiray sa kaniyang Instagram page, pinasalamatan niya si Stephan para sa pagmamahal at suporta nito sa kaniya.
“Wala na 'kong mahihiling pa kasi nasakin ka na. Mahal na mahal kita!” pagtatapos ng kaniyang post.