
Caught on camera ang pambubugbog ng isang lalaking estudyante sa kapwa niya estudyanteng babae ilang metro lamang ang layo sa kanilang paaralan.
Ang 14-anyos na biktima ay kinilala sa pangalang Bea (hindi niya tunay na pangalan) at sa eksklusibong panayam ng Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabi niyang nagtamo siya ng mga sugat sa tuhod, siko, noo at kalmot sa likod.
Ang pinagmulan umano ng away na ito ay ang 'di sinasadyang pagkatabig ni Bea sa lunch box ng kaklase nitong lalaki, na itinago sa pangalang Robin.
Nagkasagutan umano silang dalawa hanggang sa nagkainitan at mauwi sa bugbugan.
“Nagalit na po siya. Sabi po, 'Attitude ka sis?'
“Nainis din po ako, sinabihan ko siyang bida-bida, 'tapos naghamon na po siya ng away,” pahayag ni Bea.
Dagdag pa ng dalaga, “Pinagsasampal po, sabunot, tapos, hinimatay po kasi ako. Pagkagising ko, nakaupo na po ako. Tapos bumwelo po siya, sinipa 'yung ulo ko.”
Samantala, may ibang bersyon si Robin ng naganap sa pagitan nila ni Bea, na inamin niyang malapit niyang kaibigan.
Aniya, “Magkaibigan po kami. Hindi na lang po kami nagpansinan simula nu'ng lagi siyang nagdadabog.
“Nakain po kami, lunch time. 'Tapos binunggo niya po 'yung upuan. 'Tas natapos po 'yung kinakain ko,” panimula ni Robin.
Nang matabig na umano ni Bea ay nagsagutan sila.
“Ano ba? Ang attitude mo naman,” baling ni Robin kay Bea, at saka umano siya nito sinugod bago naghamon ng sakitan.
Ayaw umanong patulan ni Robin si Bea ngunit napikon siya nang sabihan siya nitong duwag.
Samantala, hindi lang sa kanila umikot ang kontrobersiya dahil pati mga magulang nila ay nadamay na rin sa naturang gulo.
“Ni hindi mo nga pinapalo 'tapos makikita mo ibang tao 'yung nananakit. Sobrang sakit sa kalooban 'yun,” lahad ng nanay ni Bea na itinago sa pangalang Nena.
Idinepensa naman si Robin ng nanay niyang si Loreta (hindi niya tunay na pangalan.)
“Hindi naman po mananakit ng gano'n 'yung anak ko kung walang pinagmulan.
“I-judge po ako na hindi ko tinuruan 'yung anak ko ng tamang asal.
“Wala po silang rights kasi hindi nila alam kung paano ko sila pinalalaki magkakapatid.”
Magkaiba ang bersyon nina Bea at Robin tungkol sa kanilang viral na rambulan sa eskwelahan.
Upang malaman ang buo at totoong nangyari, panoorin ang pagtatampok na ito ng Kapuso Mo, Jessica Soho:
MAY-DECEMBER AFFAIR: 63-year old man marries a 23-year old woman
KMJS: Dating apps, ligtas bang gamitin?
KMJS: Pagpapaturok ng gluta, healthy o deadly?