GMA Logo reymark mariano
What's Hot

KMJS, nilinaw na hindi scripted ang kuwento ni Reymark Mariano

By Racquel Quieta
Published June 3, 2021 4:31 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Duchess Meghan tries to contact estranged father after amputation reports
Dawn Zulueta opens up on navigating menopause with grace and confidence
Torres game-winner saves Benilde, forces semis do-or-die versus SBUĀ 

Article Inside Page


Showbiz News

reymark mariano


Naglabas na ng opisyal na pahayag ang KMJS tungkol sa paratang na scripted umano ang istorya ng batang nagsasaka na si Reymark Mariano.

Naglabas ng pahayag ang programang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) tungkol sa paratang na scripted 'di umano ang istorya ng batang si Reymark Mariano ng Sultan Kudarat, ang 10 taong gulang na bata na nag-aararo at nagsasaka.

May ilan kasing netizen na nag-akusa na may mga parte raw ng panayam sa nanay ni Reymark na si Analyn Vicente na pinutol o inedit out para magmukhang mas kawawa ang bata. Hindi rin daw totoong araw-araw nagtatrabaho ang bata at laro laro lamang ito.

reymark marianoAng 10 taong gulang na si Reymark Mariano habang nag-aararo / Source: KMJS

Agad naman pinabulanan ng KMJS ang mga paratang na ito sa isang pahayag:

“Nakarating sa KMJS na may nagpapakalat sa social media na scripted at hindi talaga totoong nag-aararo ang tinampok naming batang si Reymark.

“Base sa pananaliksik, pakikisalamuha at pakikipamuhay ng aming team kina Reymark at sa kanyang pamilya, nasaksihan namin mismo ang paghihirap ng bata sa bukid.

“Hiniling din ni Reymark, na huwag nang idetalye sa segment ang personal na problema sa pagitan ng kanyang mga magulang at patuloy na nakikiusap na 'wag nang i-bash ang mga ito.”

Sa nasabing KMJS episode na pinamagatang "Hingal Kabayo," ikinuwento ng Lolo Rudy ni Reymark na kasalukuyang nagtatago ang ama ng bata dahil may kaso itong illegal possession of firearms at ang nanay naman ni Reymark ay may pamilya nang iba.

Hindi na idinetalye ang dahilan ng paghihiwalay ng mga magulang ni Reymark at kung bakit siya iniwan ng kanyang ina sa kanyang lolo't lola noong tatlong taon gulang pa lamang siya.

Pero sa panayam naman ng ina ni Reymark na si Analyn, sinabi nito na hindi niya alam na nag-aararo ang anak niya at hindi niya raw ito pinabayaan.

Sinabi rin niya na nagkaproblema sila ng ama ni Reymark kaya sila nagkahiwalay.

Ani Analyn, “Hindi n'yo alam kung ano ang mga pinagdaanan ko sa mga anak ko na hindi ko sila nakasama ng ilang taon.

“May mga bagay na hindi nila naiintindihan na pinagdaanan ko sa tatay nila.”

Kasalukuyang may 19 million views sa Facebook ang unang parte ng "Hingal Kabayo," at may 8.4 million views naman ang pangalawang parte nito na umere nitong Linggo.

Sa Part 2 ng "Hingal Kabayo," ipinakita na dumagsa ang tulong para sa pamilya ni Reymark.

Nagkaroon na siya ng bagong kabayo, bisikleta, at maraming groceries.

May mga nagbigay rin ng cash donations at livelihood assistance para sa pamilya nila at may mga Pinoy sa Canada na nangakong tutulungan siya makapunta sa Canada balang araw.

At higit sa lahat, muli na silang nagkita ng kanyang ina na si Analyn.

Panoorin ang kanilang madamdaming pagtatagpo sa KMJS video sa ibaba.

Para sa iba pang kuwento tulad nito, manood ng Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo, 8:40 p.m. sa GMA-7.

Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang bagong Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, visit www.gmapinoytv.com.

RELATED CONTENT:

Bro. Bo Sanchez, inalala ang COVID-19 battle: "Lord, ito na ba? Ito na ba 'yung kukunin mo na ako?"