
Dahil sa pandemya maraming event ang isinasagawa online. May mga virtual graduation, virtual meetings, online fan meet and greet at pati ang mga misa online na rin.
Pero ang Parochial Vicar ng St. John the Evangelist Parish sa Guimba, Nueva Ecjia, hindi lang pagmimisa ang isinasagawa online, dahil ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita ay idinadaan niya rin sa paggawa ng video content sa video-sharing platform na TikTok.
Pero hindi lang pangangaral ang ginagawa ni Rev. Fr. Fherdie Ducut sa TikTok, hindi rin siya nagpahuli sa iba't ibang mga trending dance challenge, dub smash, at kung ano-ano pa.
“Hindi ko po talaga naisip na magba-viral. Focus ko lang po [at] the time na mag-TikTok ako, gamitin po talaga siya sa Evangelisation po talaga,” pahayag ng tinaguriang Father TikTokerist ng Guimba, Nueva Ecjia.
Gaya ng karamihan, nagsimula lang din umano si Father Fherdie na gumamit ng TikTok noong ipinatupad ang community quarantine.
“Tinuruan lang po ako ng mga kasama ko sa office. Sila na rin po ang nag-install sa cellphone. Hindi po talaga ako masyadong techy, e.
“Halimbawa 'yung mga sayaw po, 'yung mga dubbing po, pinakamatagal na po 'yung tatlong take 'pag mga lunch break, snack time, ganun lang po siya. Hindi ko naman po inuubos 'yung time sa TikTok. Isisingit lang talaga siya sa schedule,” aniya.
“Nagti-TikTok po ako nung una mga sayaw sayaw lang. Nag-e-enjoy naman po ako kasi talagang puro seryoso tayo, lalong bibigat ang sitwasyon natin. At least po nagiging light ang paglalakbay natin sa pandemya,” aniya pa.
Pero hindi lang pangkatuwaan ang pagti-TikTok para kay Father Fherdie dahil paraan niya raw talaga ito para mapalaganap ang Salita ng Diyos.
“Napansin ko po kasi sa TikTok majority puro kabataan po, e. Nung un apo mahirap siyang i-[capitalize] kasi one-minute lang, e. Kasi 'yung mga kabataan ngayon ang [attention] span nila e medyo maiksi. Ganun din naman 'yung TikTok one-minute reflection kuha agad nila 'yung message,” dagdag pa niya.
Bagamat marami ang natutuwa at naaaliw sa mga video ni Father Fherdie, mayroon pa ring napapailing at hindi sang-ayon sa ginagawa niya.
Pero para sa kanya, sayang naman daw ang talent na binigay sa kanya ng Panginoon, gaya ng pagsasayaw, kung hindi gagamitin.
“Hindi nga po siguro sila sanay na nakakakita ng pari na nagsasayaw sa TikTok. Dapat daw po hindi nagsasayaw ang pari.
“Sa loob-loob ko naman po, sayang naman po 'yung binigay na talent ni Lord kung hindi gagamitin 'di ba po.
“Actually po lahat ng TikTok ko na sayaw, lagi kong caption 'wag seseryosohin.' Para po hindi ma-mislead 'yung tao,” dagdag pa ni Father Fherdie.
Kilalanin ang tinaguriang Father TikTokerist ng Guimba, Nueva Ecija sa espesyal na pagtatampok na ito ng Kapuso Mo, Jessica Soho:
Related content:
Tunay na Buhay: Get to know these exceptional priests online