
Aminado ang mga bida ng online boys love (BL) series na Gameboys, sina Kokoy de Santos at Elijah Canlas, na wala silang ideya kung anong mangyayari sa season 2 ng kanilang programa.
Hindi raw sinasabi sa kanila kung ano ang magiging takbo ng istorya ng season 2 ng Gameboys dahil baka masabi nila ito sa mga interview.
Nang makausap ng GMANetwork.com sina Kokoy at Elijah, tinanong namin sila kung ano ang gusto nilang mangyari sa kanilang mga karakter na sina Gavreel at Cairo.
Pabirong sagot ni Kokoy, “Isa lang naman ang gusto kong mangyari, e. Matuloy 'yung nabitin namin sa kama.”
Natapos kasi ang kuwento ng Season 1 ng Gameboys habang natutulog nang magkatabi sina Gavreel at Cairo sa kama.
Dagdag ni Elijah, “Ano ba gusto mong gawin, baby? Kasi sagot ni Cairo, dun, e, 'di ba?”
“'Yung sagot ni Cairo, 'Ikaw, baby?' pero may comma 'yun, e.
“So hindi mo alam kung ano bang gustong gawin ni Cairo, si Gavreel or…?
“Napaisip ako doon sa kama, e. Parang, 'Ano gusto mong gawin, baby?'
“'Ikaw, baby.'
“Huh?” natatawang sagot ni Elijah.
Niloko naman ni Kokoy si Elijah na sana ay matuloy ang kanilang bed scene sa season 2.
Aniya, “'Yun lang naman. 'Yun lang naman 'yung hopes ko.”
Sa pagseseryoso, inamin ni Elijah na gusto niya pang makita ang iba pang layer ng character ni Cairo.
Saad niya, “Ako, hope ko lang talaga is that, nakilala na natin si Cairo, Gavreel, and even si Pearl, Terrence, Wesley, everybody, [pero] ang dami pang pwedeng puntahan.”
“[It's] so amazing na ang daming na-planta, at ang daming pwedeng puntahan.
“You know, ganun naman ang Gameboys, e, palalim nang palalim per episode and I'm excited kung saan pa pupunta.”
Kuwento naman ni Kokoy, pati silang gumaganap ay nabitin rin sa kwento ng Gameboys at kung ano ang mangyayari sa love story nina Gavreel at Cairo.
Kuwento niya, “Actually, ako mismo, kami na gumaganap nabibintin kami palagi, e, pag nanaonood kami ng mga episode.”
“I hope lang na happy palagi 'yung episodes, pero hindi pwede kasi sino ba naman ang gagawa wala ng conflict.
“Sana lang wala nang 'ssob,'” pabirong pagtatapos ni Kokoy.
Ang tinutukoy niyang "ssob" ay ang karakter ni Miggy Jimenez na si Wesley, ang kakabata ni Cairo na pinagseselosan ni Gavreel.
Kilalanin ang mga bibida sa season 2 ng 'Gameboys,' [clockwise from top left] Miggy Jimenez bilang Wesley, Kyle Velino bilang Terrence, Kych Minemoto bilang Achilles, Adrianna So bilang Pearl, Elijah Canlas bilang Cairo, at Kokoy de Santos bilang Gavreel. / Source: theideafirstcompany (IG)
Panoorin ang kabuuan ng panayam sa video sa itaas.
Kokoy de Santos at Elijah Canlas, tinanggap ang 'Gameboys' dahil sa isa't isa
Kokoy de Santos, napa-"baby" nang personal na makita si Elijah Canlas sa set ng 'Gameboys'